Hanggang ngayon, sa kabila ng denial ng Megastar na si Sharon Cuneta, maugong pa rin ang mga balita na kakandidato siyang mayor ng Pasay sa susunod na taon. Tama naman siya eh, noon pa nababalita iyan pero pinatunayan naman niyang hindi niya papasukin ang magulong mundo ng pulitika. Sinasabi nga niya noon pa man, “tama na ang isang politician sa pamilya namin”.
Sa pagtatanung-tanong namin, ang pinagmumulan ng mga ganyang tsismis ay mga pulitiko mismo. Nasa stage na kasi sila nang pilian kung sino ang kanilang mga makakasamang kandidato sa susunod na eleksiyon, at natural kailangan nila ng mga malalaking pangalan para matakot ang kanilang mga makakalaban. Kung matatakot nga naman ang kalaban, baka umurong na iyon o sumama sa isang coalition. Palagay namin iyan ang dahilan kung bakit ipinamamalita nilang kakandidato si Sharon sa susunod na eleksiyon.
Sinasabi naman ni Sharon na mahal niya ang lunsod ng Pasay, dahil pinaglingkuran iyan ng tatay niya ng 50 taon bilang mayor, pero sinasabi nga niya na mas love niya ay ang kanyang career bilang isang singer at aktres. Naniniwala siyang doon siya nakalinya. Matagal na niyang ginagawa iyon. Sinasabi nga niyang hindi siya makapagsalita nang patapos, pero sa ngayon ay mukhang malayo pa talaga sa isip niya na pasukin ang pulitika.
Sinasabi pa nga ng Megastar na siguro raw maski ang tatay niya ay hindi gugustuhing pasukin pa niya ang pulitika.
Maraming pinagkakaabalahan si Sharon sa ngayon. Kasama siya sa bagong show ng ABS-CBN na Your Face Sounds Familiar. Pagkatapos noon, sinasabi ngang may line up na ng mga project para sa kanya. Inaamin naman niya, matagal na panahon din namang para siyang nagbakasyon, at natural lang na sa ngayon gusto niyang makabawi ang kanyang career.
Kat Alano puro dada lang ang bintang na pangri-rape
Natawa kami sa comment ni Kat Alano tungkol sa isang lalaking hinuli at kinulong dahil sa “pagsasamantala” sa isang baka sa Cavite.
Sabi ni Kat, “iyong nang-rape ng baka sa Cavite nakulong. Iyong nang-rape ng tao nasa TV pa”.
Hindi iyan ang unang sinabi ni Kat. Una niyang inamin na siya ay naging biktima rin ng rape. May panahon pang gumawa siya ng isang open letter kay DOJ Secretary Leila de Lima na may kaugnayan din sa kaso ng rape, pero hanggang ngayon ay ayaw naman niyang magharap ng reklamo laban sa sinasabi niyang nagsamantala rin sa kanya noong araw.
Kung sabagay, kanya-kanyang pananaw iyan. Kagaya nga ng sinasabi niya, iyong mga nangre-rape ay nakakawala rin naman dahil sa sistema ng batas dito sa atin. Ayaw na siguro niyang mas ilabas pa ang mga mas nakakahiyang karanasan. Pero kung hindi naman niya gagawin iyon, papaano nang mapapatigil ang sinasabi niyang nangre-rape?
Aktor na puro yabang ayaw nang bigyan ng trabaho ng kanyang network, hinihintay na lang ma-expire ang kontrata
How true? Mababalo na lang daw ang isang male star sa kanyang network dahil talaga naman palang wala nang balak ang mga “boss niya” na muling pasikatin pa siya. “Hihintayin na lang daw nilang matapos ang contract niya,” sabi ng aming source.
Mayabang naman kasi ang male star na iyan eh, hindi naman siya magaling.