MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na kampanya ng Radyo5 Taxi Squad sa nagdaang taon, kung saan bukod sa patuloy na dumarami ang mga active members nito sa iba’t ibang parte ng bansa ay umani rin ito ng papuri mula sa mga award-giving bodies at local government offices, ay sinalubong naman ng buong puwersa ng Radyo5 ang taong 2015 sa pamamagitan ng isang espesyal na Thanksgiving Salo Salo, kung saan dumalo ang ilang piling miyembro ng Taxi Squad na kinilala sa kanilang natatanging kontribusyon sa tanyag na public service campaign ng Kapatid Network.
Espesyal na panauhin sa eksklusibong event na ito ang tatlumpung taxi drivers na kinilala sa kanilang pagre-report ng mga mahahalagang balita habang sila ay namamasada buong taon. Ang Thanksgiving Salo Salo ay kamakailang ginanap sa bagong headquarters ng News5 sa Reliance, Mandaluyong City, kung saan nakita ng mga Taxi Squad members mismo ang mga umaatikabong aksyong nagaganap sa isang newsroom. Laking tuwa rin ang hinatid ng pagkakataong ito dahil nakita ng mga Taxi Squad members ang ilan sa mga pinakapaborito nilang mga Radyo5 anchors, kabilang ang mismong Hepe ng News5 na si Luchi Cruz-Valdes, kasama rin ang co-anchor niya sa programang Relasyon na si Attorney Mel Sta. Maria, ang beteranong broadcaster at Aksyon Solusyon anchor na si Alex Tinsay, at ang anchor ng Cristy Ferminute, ang nag-iisang Nanay Cristy Fermin.
Mas lalo namang hindi natago ng mga Taxi Squad members ang kanilang tuwa nang bigyan sila ng pambihirang pagkakataong personal na makasama at mas makilala ang kanilang mga idolo pagdating sa buong-tapang na pagbibigay ng mga payo at opinyon – ang mga Tulfo brothers. Tila naging kompleto na ang araw nila nang sila ay imbitahin maging live studio audience sa multi-awarded na programang T3: Enforced, na sinundan naman ng isang live on-air interview sa top-rating Radyo5 program na Wanted sa Radyo, kasama ang kanilang Idol Raffy Tulfo.
Hindi lang doon natapos ang kasiyahan sa pagdiriwang dahil ang ilan sa mga hinirang na Taxi Squad members ay nakatanggap din ng mga malalaking premyo mula sa raffle draw, na sinamahan din ng kaliwa’t kanang photo opportunities, awarding ceremonies, at ang ceremonial signing ng Taxi Squad wall bilang paggunita sa espesyal na event na ito.