Iisa ang komento ng lahat ng nakapanood sa press preview ng pelikulang Liwanag sa Dilim ng APT Entertainment – napakaganda ni Sarah Lahbati at diyosang-diyosa ang kagandahan niya sa movie.
Basta ang masasabi namin, ang ganda ng role niya at parang sa kanya nakasentro talaga bagama’t ang bida ay sina Jake Vargas at Bea Binene.
Bongga rin ang special effects at cinematography ng movie. Balitang dinala pa raw sa ibang bansa ang movie para lagyan ng effects.
Ayon kay Direk Richard Somes, ang movie ay coming of age na matagal na raw niyang gustong gawin in the tradition of foreign films like Stand By Me.
At saktong-sakto raw si Jake sa kanyang role bilang isang pasaway na teenager na walang pakialam sa kanyang responsibilidad.
SineAsia una sa ‘Pinas
First of a kind ang naisip ng Viva International Pictures at SM Lifestyle Entertainment, Inc. na maglabas ng Asian movies sa bansa na Tagalized na or dubbed na in Tagalog at mapapanood sa SM Cinemas and Walter Mart Cinemas.
Nagkaroon ng contract signing ang dalawang kumpanya recently para sa pagtatatag ng SineAsia. The contract was signed by Edgar C. Tejerero, president ng SM Lifestyle Entertainment, Inc. at ni Vic del Rosario, Chairman of the Board and CEO ng Viva Communications.
Ipinakita rin nila ang trailers ng mga Asian movies na nakatakdang ipalabas sa atin at isa na rito ay ang Gangnam 1970 na pinagbibidahan ng Korean star na si Lee Min Ho. Kumita ito ng 7.6 Million USD sa unang linggo at inaasahan pang tataas sa pagpapalabas sa 13 bang bansa sa Asya kasama na ang Pilipinas.
Nakakatuwa nga dahil ang isa sa theme songs na ginamit sa Gangnam 1970 ay ang classic hit ni Freddie Aguilar na Anak.
Ang ilan pa sa mga Asian movies na ipalalabas SineAsia Theater na nakasalin sa wikang Pilipino ay ang Vegas to Macau, Once Upon a Time in Shanghai, SPL 2, Mourning Grave, My love, My Bride, at Rise of the Legend na pinagbibidahan ng mga batikang aktor tulad nina Chow Yun Fat, Tony Jaa, Nicholas Tse, at Kim So-Eun.
Ang SMLEI ay maglalaan ng isang sinehan each sa 8 SM branches para sa mga pelikulang ito namely, SM Megamall, SM Sta. Mesa, SM Fairview, SM Iloilo, SM Bacoor, SM Cebu, SM Manila, at SM North Edsa.
Showing na sa Feb. 11 ang Liwanag sa Dilim at kasama rin dito sina Iggi Boy Flores, Dante Rivero, Freddie Webb, Rico Blanco, Sunshine Cruz, at Julian Trono.
Toni matagal nagpigil pakasal
Pinag-uusapan sa showbiz ang suot na engagement ring ni Toni Gonzaga na bigay ng kanyang fiancé na si Direk Paul Soriano. Sa laki ng diamond (1.5 carat), marami ang curious na malaman kung magkano ang nagastos dito ng direktor.
May nagsasabing P1.2-M at may nagsasabi ring P2-M. Binili pa ni Direk Paul ang singsing sa Israel.
Matatandaang Toni and Paul got engaged last January 21. Nag-propose si Direk sa bahay ng girlfriend pagkatapos ng birthday nito.
Toni revealed na since 2009, every year ay nagbabalak si Paul na mag-propose pero lagi niyang sinasabi na hindi pa siya ready dahil kino-consider nga niya parati ang kanyang pamilya at marami pa siyang gustong gawin that time sa kanyang career. Gusto raw niya munang maidirihe ni Olivia Lamasan na nangyari naman last year sa pelikulang Starting Over Again with Piolo Pascual.
Nakakatuwa rin ang love story nina Toni and Paul. At sa tagal ng pinaghintay ng direktor, tama lang naman na magpakasal na sila this year.