Napanood namin kahapon ang taping ng isang episode noong Solved na Solved, ang pinakabagong talk program sa TV5. Pinag-usapan nila ang kaso ng mga “stalker”. Maganda ang kanilang diskusyon, pero actually mas maganda iyong usapan pag commercial breaks. Malakas ang tawa namin sa mga off cam comments ni Arnel Ignacio. Pero ang talagang nakatawag ng aming pansin ay ang sinabi ni Atty. Mel Sta. Maria na ang mga gumagawa pala ng ganyan ay maaaring parusahan sa ilalim ng batas, at iyan ay isang kasong criminal. Pero ang parusa ay nakakatawa. Maaari silang pagmultahin ng dalawandaang piso o makulong ng mula isang araw hanggang anim na buwan lamang. Kasi, sabi nga ni Atty. Mel, 1930 pa nang gawin ang batas na iyan.
Pagkatapos noong taping, si Atty. Mel ang aming nakaharap nang husto. Hindi lang naman isang magaling na abogado si Atty. Mel, siya ang dean ng college of law ng FEU, at isang propesor din sa Ateneo College of Law. At marami siyang mga practical legal advises, na talagang makakatulong kung maiintindihan ng mga tao. Iyang Solved na Solved ay masasabi naming isang educational program talaga, dahil binubuksan nila ang mata ng masa sa mga karapatan sa ilalim ng batas na hindi alam ng karaniwang mamamayan.
Bukod doon, naroon iyong practical side, kagaya nga noong kuwento ni Atty. Mel, mayroon daw nagpautang, ayaw namang magbayad noong nangutang. Natuwa na ang nagpautang nang makuha niya ang ATM card ng may utang na ayaw magbayad sa kanya. Mukhang wala na raw problema pero biglang sumingit si Arnel at nagtanong, “nakuha mo ba iyong pin number?” Lumabas na hindi, eh ‘di wala rin. Nag-comment nga raw si Arnel doon, “alam mo isa kang...five letters”, na binuo naman noong tao, pero hindi naman daw mapapanood dahil ayaw naman ng TV5 na may mainsulto sa kanilang show.
Isa lang ang obserbasyon namin noong pinanonood namin ang programang iyon ng live, mukhang napakaikli ng show. Para bang ang dami pang dapat na malaman, ang dami pang gustong sabihin lalo na ni Atty. Mel, pero hanggang doon lang talaga ang oras ng show. Sana maisip nilang gawin na lang isang oras ang Solved na Solved. Marami tayong mapupulot diyan.
Jake at Bea ngayon lang nabigyan ng break
Aba, mukhang sa lahat ng breaks na dumating sa kanya ay pinakamalaki na iyang Liwanag sa Dilim ng APT Entertainment. Isipin ninyo, biglang bida na sa isang pelikula si Jake Vargas. Marami siyang kasabayang mga artista na sabihin man nating mas matindi ang nagiging build up at breaks sa kanilang network, pero iisipin mo nga bang mauunahan pa sila ni Jake na maging bida sa isang pelikula?
Malaking challenge para kay Jake ang pelikulang iyan. Kung sabagay, ang advantage niya ay sinasabing maganda naman ang pagkakagawa ng pelikula. Suportado naman sila sa promo. Makikita mo naman na talagang lahat ay ginagawa para maging maganda ang resulta sa box office ng Liwanag sa Dilim. Sa ganyang sitwasyon, ang masusukat na lang ay ang lakas ng hatak ng kanilang mga bidang sina Jake Vargas at ang ka-love team niyang si Bea Binene.
Kung maging hit ang pelikulang iyan, masasabi mong talagang star na nga sina Jake at Bea. Kung hindi, mahihirapan na naman silang makabawi.
Sana naman maging maganda ang resulta ng pelikula. Hindi rin naman maganda iyong iilan lamang ang ating mga sikat na artista. In fact, kailangan natin ng mas maraming sikat na artista para hindi naman nababaling ang paghanga ng mga fans sa mga dayuhan, lalo na sa mga Koreano at iba pang mga artistang hindi maikakailang sikat ngayon dito sa Pilipinas kahit na hindi naman natin naiintindihan ang kanilang mga sinasabi.
Natutuwa kami kung may nabibigyan ng malalaking break na kagaya nila.