Balik-Amerika si Congressman Manny Pacquiao dahil hurado siya sa Miss Universe.
Isiningit lang ni Papa Manny sa kanyang busy schedule ang pagpunta sa London para sa private dinner nila ni Prince Harry noong Huwebes. From London, lumipad sila ni Jinkee Pacquiao sa Miami, Florida.
Kahit pagod sa biyahe, enjoy na enjoy si Papa Manny dahil natuloy ang pagkikita nila ng anak nina Prince Charles at Princess Diana.
Malapit na nga pala ang deadline na ibinigay ni Papa Manny kay Floyd Mayweather, Jr. para sa kanilang laban ngayong 2015.
May 2 ang date na sinabi ni Bb. Mayweather pero umaarte pa siya.
Dapat ituloy ni Bb. Mayweather ang boxing fight nila ng Pambansang Kamao. Maingay ang tsismis na kailangang-kailangan ni Bb. Mayweather ang datung dahil OA ang paggastos niya.
Nilulustay raw ni Bb. Mayweather sa mga babae at luxury cars ang kanyang kadatungan. Hindi na raw makatarungan ang pagreregalo niya ng mga Mercedes Benz car sa kanyang mga kaibigan.
Kung hindi raw magtitipid at magiging mautak si Bb. Mayweather sa paggasta ng datung niya, tiyak na mamumulubi siya tulad ng mga kilalang celebrity na parang wala nang bukas ang paggastos.
Matapos ang isang linggo, batang binasbasan ni Pope Francis namatay na
Namatay na pala noong Biyernes si Brandon Emmanuel, ang three-year-old boy na may sakit na pulmonary arterial hypertension.
Si Brandon ang bagets na binasbasan ni Pope Francis sa Meeting with the Families na ginanap noong January 16 sa Mall of Asia Arena.
Nakita sa TV ang pagbibigay ng Santo Papa ng blessing kay Brandon Emmanuel.
Nakakalungkot ang nangyari at tiyak na masakit ito sa kalooban ng mga magulang ni Brandon Emmanuel pero nakakasiguro sila na nadagdagan ang anghel sa langit. Mapalad si Brandon dahil nabasbasan ito ng Santo Papa bago siya binawian ng buhay, eksaktong isang linggo matapos ang kanilang pagkikita.
Mga homeless na itinago ng DSWD pakalat-kalat na uli sa mga kalsada
Balik-Roxas Boulevard ang mga homeless na itinago ng Department of Social Welfare and Development) DSWD mula kay Pope Francis.
Sila ang mga homeless na pinagbakasyon ng limang araw sa isang resort sa Batangas province habang nasa Pilipinas ang Santo Papa.
Kawawa ang mga homeless dahil itinago na nga sila sa Santo Papa, na-miss pa nila ang pagkakataon na mabasbasan ni Pope Francis.
Nakaka-sad isipin na bumalik sa Roxas Boulevard ang mga homeless samantalang may kakayahan ang DSWD na patuluyin sila sa mga government shelter na ligtas na maging tirahan ng kanilang mga maliliit na anak.
Naalaala ko tuloy ang pagtanggi ng DSWD sa isyu na ikinulong ang mga maliliit na bata para hindi sila makita na pakalat-kalat sa mga lansangan na dinaanan ni Pope Francis.
Gusto ko nang maniwala na may bahid ng katotohanan ang controversial issue dahil sa pagdadala ng DSWD sa mga homeless sa isang resort sa Batangas province.
Istorya ng Yagit, nangyayari sa totoong buhay
Sino ngayon ang magsasabi na imbento o kathang-isip lang ang kuwento ng Yagit ng GMA-7?
Lumabas ang katotohanan na nangyayari sa tunay na buhay ang kuwento ng Yagit dahil sa karanasan ng mga homeless at streetchildren na itinago ng DSWD mula kay Pope Francis.
Wish ko talaga na makarating kay Pope Francis ang nangyari at gustong-gusto ko na malaman ang kanyang reaksyon sa naging kapalaran ng mga mahihirap na Pinoy.