Hula sa 2015 ni Madam X Aktres na laging semplang ang pelikula, mapipilitang magretiro

Makakabawi sa kanyang career si Sharon Cuneta. Hindi pa rin magiging active  sa showbiz si Governor Vilma Santos dahil magkakaroon pa rin ng pressure na ituloy niya ang kanyang political career. Magkakaroon ng kalaban si Daniel Padilla pero hindi iyong sinasabing kalaban niya sa ngayon. Marami pang sisikat na mga mas batang artista, pero mananaig pa rin sa box office ang mga established stars. Mapilitan na ang isang female star na tanggapin ang kanyang “retirement” matapos ang isa pang pelikula.

Ganyan ang mga naging hula ni Madam X. Matagal na naming kilala ang manghuhulang iyan at marami talagang mga pangyayari sa showbiz na nahulaan niya.

Mukhang realistic naman ang kanyang mga hula, kaya nga natutukso kaming sabihin kung bakit kami naniniwalang maaari ngang mangyari, at kung sino ang maaaring tinutukoy niya, pero huwag na lang, dahil sabi nga nila “be kind on Christmas day”.

 

Mapu-pull out sa MMFF mas inaabangan

Ngayon na ang simula ng pagpapalabas ng mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa mga sinehan. Natawa nga kami sa wish ng ilang involve sa festival, “sana walang pelikulang ma-pull out sa mga sinehan sa taong ito.”

Nangyayari naman talaga iyon. Karaniwan nang nagbubukas ang mga pelikula nang halos magkakasing-dami ng sinehan sa Metro Manila. Iba iyong sa mga probinsiya, dahil iyong malalaking pelikula gumagawa ng maraming prints para maisabay na nila ang showing ng mga pelikula nila sa probinsiya. Kasi nga, iyon ang paraan para maunahan nila ang mga pirata. Iyong mga maliliit na pelikula, na maliit lamang ang puhunan, hindi marami ang prints. Kaya lumalabas na ang iba halos ay isandaang sinehan lang, pero may iba namang wala.

Natural din naman na pagkatapos ng dalawang araw, makikita na kung aling pelikula ang nangangailangan ng mas maraming sinehan sa Metro Manila, at kung sino naman ang hindi. Ang ginagawa riyan ng play date committee, binabawasan ng sinehan ang mahina at idinaragdag sa mga malalakas na pelikula.

Minsan lang naman mangyari sa history ng festival iyong first day pa lang ay nagkatanggalan na ng sinehan, kasi nagrereklamo rin naman ang mga sinehan. Isipin ninyo na araw ng Pasko, nakakapitong patugtog na sila ng Lupang Hinirang wala pa ring pumapasok. Gusto nang magsara noong mga sinehan, kaya ang ginawa nila kaysa sa magsara, binigyan na lang ng ibang pelikula at pull out na lang iyong wala talagang nanonood.

Ang MMFF ay isang trade festival, papaano kung hindi nga kumikita ang pelikula, ano ang gagawin mo?

 

Pagpalain kayo ngayong araw ng Pasko!

Napakarami po nating dapat ipagpasalamat ngayong araw ng Pasko. Napakarami naming kailangang pasalamatan. Pero saka na namin gagawin iyan, may listahan naman kami at hindi namin malilimutan. Sa ngayon, nais namin kayong batiin ng isang Maligayang Pasko, at ipinagdadasal namin ang inyong kaligayahan.

Nawa ang pagpapala ng Diyos ay dumating sa inyo habang buhay.

Show comments