Makikitang nag-enjoy sina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado sa first romantic-comedy movie nila, ang English Only, Please na entry ng Quantum Films sa 40th Metro Manila Film Festival (MMFF) na mapapanood na simula sa December 25. Sa first time na pagtatambal nina Derek at Jennylyn, kita mo agad ang chemistry nila. Story ito ng Fil-Am na si Julian Parker (Derek) na pumunta ng Pilipinas nang makapasa sa kanyang interview online ang Filipino-English tutor na si Tere Madlansacay (Jennylyn) para i-translate lamang ang sulat niya in Tagalog at ipamukha sa nobyang si Megan (Isabel Oli) ang galit niya rito sa pang-iiwan sa kanya. Pero hindi natapos ang story nina Julian at Tere sa pagtuturuan nila ng English-Tagalog, dahil pareho silang na-in love sa isa’t isa.
Parehong dumalo ang dalawang bida ng movie na dinirek ni Dan Villegas sa press preview sa Director’s Club Cinema, Mega Fashion Hall, SM Megamall. Excited sila dahil first time nilang mapapanood nang buo ang movie. Ilang eksena raw lamang ang napanood nila nang i-dub nila iyon dahil live sound sila. Parehong mahusay sa kani-kanilang role sina Derek at Jennylyn. At mahusay si Derek sa pagbigkas niya ng mga Tagalog words na pa-slang ang pronunciation.
Given a Grade B rating ng Cinema Evaluation Board (CEB) at PG (Parental Guidance) classification ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) inamin ni Jennylyn na breaker sa kanya ang movie dahil wala siyang ginawa kundi umiyak sa mga ginagawa niyang drama series at nanibago rin si Derek dahil madalas lagi raw siyang naghuhubad at may mga passionate love scenes sa mga ginawa niyang movies at soap.
Nakausap ng entertainment press na dumalo ang dalawa bago ang screening at natanong si Jennylyn tungkol sa issue na nakita siya na kasama si Ilocos Sur Congressman Ronald Singson sa Boracay.
“Nagulat ako roon dahil hindi naman ako pumunta ng Boracay at hindi ko rin personally kilala si Cong. Singson,” natatawang wika ni Jennylyn. “Wala akong time na maglakwatsa dahil bukod sa English Only, Please nagti-taping ako ng new drama series ko sa GMA-7 (Second Chances). Halos wala rin akong time sa sarili ko at sa family ko dahil may business din akong inaasikaso. Siguro iyong nakita nilang babae na kasama ni Cong. Singson, kamukha ko lamang. Zero talaga ang lovelife ko ngayon.”
Medyo worried naman si Derek dahil nasa hospital pa ang daddy niya at kailangan pa ang mga tests dahil sa artery nito sa right side of the head leading to the brain. Wish niyang maging okey na ang daddy niya para makalabas na ito ng hospital before Christmas. Magiging busy rin si Derek sa pagpasok ng 2015 dahil may mga bagong shows siyang sisimulan sa TV5.
Bukas na, December 23, ang parade of stars ng MMFF at promise nina Derek at Jennylyn, sasali sila sa parade, biro nila ayaw nilang magmulta. Gusto rin daw nilang ma-experience ang sumakay sa float at mag-imbita sa mga tao na panoorin ang English Only, Please na kasama rin sa cast sina Kean Cipriano, Cai Cortez at may cameo roles sina Tom Rodriguez at Lyn Cruz, (wife of Tirso Cruz III) na hindi nakatanggi sa request ng good friend nila at producer na si Atty. Joji Alonso na gumanap na ina ni Jennylyn.