Sa totoo lang, malakas ang aming palagay na si Miguel Tanfelix ang susunod na sisikat na matinee idol. Bata pa nga lang si Miguel, kinse lang, pero siguro nga maganda na ang kanyang simula. May experience na siya dahil nagsimula siya bilang isang child actor. Napatunayan naman niya ang kanyang kakayahan sa acting at ang lakas ng kanyang hatak sa masa sa kanyang nakaraang serye. Ngayon papasok na rin siya sa isang love story, ang Once Upon a Kiss.
Mabigat ang laban. Maski na ang master showman na si Kuya Germs sinasabing may nauna na kasing mas sumikat kaysa kay Miguel, pero hindi natin masasabing imposible ang isang “upset” lalo na at kung talagang makakabatak din siya ng mas maraming fans.
Nangyayari naman iyan, may mga artistang dahil masyadong sikat na nga at napakaraming fans, hindi na nila napapansin ang iba. Nababaling naman ang atensiyon ng mga iyon sa iba. In the end, tinatalo ng sinasabi nilang second choice lamang ang popularidad noong nauna. Ilang beses na bang nangyari ang ganyan? Kaya paniwala namin, may chance si Miguel. Hindi natin maikakaila, mas magaling siyang umarte, at may hitsura rin.
Ngayon, malalaman natin ang batak niya sa mas matured na audience sa Once Upon a Kiss. Lover boy role na iyan, at sinasabi nga nila na dahil sa role, mas lulutang ang personality niya kaysa roon sa nauna niyang serye na ang role niya ay isang “may disability”. Pero doon, lutang ang acting niya. This time, lutang naman ang kanyang personality.
Magandang strategy iyan sa career ng isang artista. Ipinakita muna ang talent at saka nagpa-pogi. Hindi kagaya ng iba na puro pa-pogi lang wala namang talent.
Magandang simula ang Once Upon a Kiss sa tamang diskarte ng career ni Miguel. Maaaring magkaroon pa sila ng mga experimentation, talaga nga kayang si Bianca Umali ang dapat niyang maging leading lady o sino pa?
Keempee binatang-binata pa rin ang hitsura
Matagal na panahong hindi namin nakita si Keempee de Leon. Napapanood lang namin siya sa TV, pero siguro nga dahil hindi na rin naman ganoon karaming oras ang naibubuhos namin sa showbiz, at siya rin naman ay nagbawas ng labas, hindi nga kami nagkakatiyempuhan. Nakita lang namin siya ulit noong isang araw doon sa media launching ng Once Upon a Kiss. Nakakagulat ha, tatay na ang role ni Keempee diyan sa seryeng iyan.
Kung titingnan mo si Keempee, mukhang teenager pa rin naman. Pero maski naman sa totoong buhay ay tatay na siya, at sinasabi nga niya ok lang sa kanya ang ganoong role, after all, ang anak naman niya sa serye ay si Bianca Umali na 14 years old lang naman, kaya ok lang.
Iyan ding seryeng iyan ang muli nilang pagtatambal ni Manilyn Reynes, at kung natatandaan ninyo noong panahon ng That’s Entertainment, ang kanilang tambalan ang pinakamalakas na love team. Magkaiba nga lang sila ng kumpanya ng pelikula kaya nagkahiwalay din bilang love team.
Ginagastusan pa comedienne naloloka sa guwapo at batang atleta
Naloloka rin pala sa isang bata at guwapong athlete ang isa pang female comedian, pero tagung-tago nga lang daw. Unlike iyong isang comedian na talagang may boyfriend na bata, iyang malihim na female comedian ay “talagang date lang ang gusto”, pero “sustentado niya ang batang-bata at pogi ring athlete na lagi niyang nakakasama ngayon, at ipinasusundo pa.”