Vhong nangunguna sa mga newsmaker ng 2014

Nagsimula nang mag-review ang mga reporter ng mga kaganapan sa showbiz para sa listahan nila ng mga newsmaker ng 2014.

Of course, nangunguna sa listahan si Vhong Navarro at ang kanyang traumatic experience noong January 22 sa isang condo unit sa The Fort.

Naging national issue ang pambubugbog kay Vhong at talagang pinukaw nito ang interes ng sambayanang Pilipino.

Para sa karamihan ng entertainment writers, ang pambubugbog kay Vhong ng grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo ang biggest showbiz news ng 2014.

Patapos na ang 2014 at one year na sa susunod na buwan ang traumatic expe­rience ni Vhong pero hanggang ngayon, naghahanap pa rin siya ng hustisya.

Nakulong nga ang mga akusado pero nakalaya rin at nagpang-abot pa sina Vhong at Cedric sa isang bar sa Taguig City.

Edu mga bata ang kasama sa pamamasyal

Tuwang-tuwa ang mga bata na ipinasyal ni Edu Manzano sa Enchanted Kingdom noong December 10 dahil natupad ang pangarap nila na marating ang nasa­bing theme park.

Hindi mga ordinaryong bata ang ipinasyal ni Edu dahil may mga sakit sila na kanser pero gumagaling na dahil mala­king tulong ang pagpapa­gamot nila sa Adrian Manzano Cancer Wing ng Philippine Children’s Medical Center.

Espesyal para kay Edu ang mga bata na ipinasyal niya nang husto sa theme park sa Sta. Rosa, Laguna.

Ang pagpunta sa Enchanted Kingdom ang Christmas gift ni Edu para sa mga cancer-stricken children na nagkaroon ng bagong pag-asa. Gustong-gusto ko ang litrato ni Edu habang gumagala sila ng mga bata sa loob ng theme park.

Kung napasaya ni Edu ang mga bata, higit na pinaligaya niya ang mga magulang ng mga bagets na kasama rin sa pamamasyal sa Enchanted Kingdom.

Sobra-sobra ang pasasalamat kay Edu ng mga magulang na itinuring siya na Sta. Claus. Ni sa panaginip, hindi nila inakala na makararating sila sa Enchanted Kingdom na walang gastos dahil sinagot ito ni Edu.

Nagsama rin si Edu ng mga doktor at nurse para makasiguro na maalagaan nang husto ang mga bagets na parang napabilis ang paggaling dahil sa happiness na naramdaman nila.

Malapit na malapit sa puso ni Edu ang Adrian Manzano Cancer Wing dahil ito ang tribute niya sa kanyang ama na sumakabilang-buhay.

Maraming mga charity organization ang sinusuportahan ng tatay ni Edu noong nabubuhay pa ito. Nakita ni Edu ang pagmamahal at pagtulong ng kanyang ama sa mga kapus-palad kaya ipinagpapatuloy niya ang naiwanan na misyon ni Daddy Adrian.

Herbert maasikaso

Hindi ako nakadalo sa Christmas party for the entertainment media ng GMA-7 at sa presscon ng Kubot: The Aswang Chronicles 2 noong Huwebes dahil nagpunta ako sa Property Tax Assessment Department ng Quezon City Hall para asika­suhin ang ilang mga importanteng bagay.

Habang nasa PTAD ako, naisip ko na tawagan sa cellphone at kumustahin si Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Nang malaman agad ni Papa Herbert na nasa Quezon City Hall compound ako, pinababa niya ang kanyang secretary na si Sally para bigyan ako ng assistance, kahit hindi ko naman kailangan.

Na-appreciate ko ang kind gesture nina Papa Herbert at Sally na pinuntahan pa ako para alamin ang mga kailangan ko.

Maraming-maraming salamat kay Papa Herbert. Hindi talaga ako nagkamali ng pagboto sa kanya bilang alkalde ng Quezon City.

Show comments