Child workers dumarami pa

MANILA, Philippines – Imbes na paglalaro at pag-aaral ang atupagin, araw-araw silang kumakayod para lang matustusan ang kani-kanilang pamilya. Sila ang mga tinatawag na child worker, mga batang napipilitang magtrabaho dala ng kahirapan.

Sulyapan ang kanilang mga kuwento at pangarap tuwing Lunes ng gabi sa buong buwan ng Nobyembre sa documentary program ng ABS-CBN na Mukha.

Ngayong Lunes (Nov. 10), kilalanin ang 15-anyos na si Marlo na nagtutulak ng trolley sa riles sa Lucena City. Limang piso kada pasahero ang kita niya sa pagpapadyak. Sa kabila ng hirap sa paghahanap-buhay at eskwela, honor student si Marlo at nangangarap na maging civil engineer balang araw.

Sundan naman ang nakakaantig na kwento ni Ilo, isang 13 taong gulang na ilang oras na nakabilad sa ilalim ng init ng araw sa isang plantasyon ng tubo sa Nasugbu, Batangas. Kahit na nakakapasok pa rin siya sa paaralan, hindi naman niya ito natututukan ng maayos dahil madalas siyang absent o pagod. Abangan ang kuwento niya sa Nobyembre 17.

At sa Nobyembre 24, tampok ang 13-anyos na si Noemie, ikapito sa 12 na magkakapatid at buong magdamag na namumulot ng basura mula sa Happyland hanggang Quiapo sa Maynila para ibenta kinabukasan. Marami nang napagdaanang pagsubok si Noemi dala ng kahirapan, at isa sa mga kinatatakutan niya ay ang ipaampon sa iba gaya ng dalawa niyang kapatid.

Huwag palampasin ang serye ng mga musmos sa Mukha tuwing Lunes ng Nobyembre, 11 p.m. pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN. Para sa updates, sundan ang @MukhaTV sa Twitter o i-like ang www.facebook.com/MukhaTV.

Show comments