So far ay napapangatawanan pa rin ni Cristine Reyes ang sinabi niyang wish niyang ang The Trophy Wife na ang last sexy film dahil sa latest movie niyang The Gifted. Medyo wholesome sila ni Anne Curtis dito at walang daring scenes.
May pagka-comedy kasi ang pelikulang isinulat at idinirihe ni Chris Martinez at say ng dalawang leading ladies, sobrang nag-enjoy daw sila doing the film dahil malayung-malayo nga raw sa dati nilang pinagsamahan na No Other Woman.
Say ni Cristine, sobrang happy siya dahil finally, may movie siya na hindi niya kailangang magpakita ng katawan or makipag-love scene nang matindi.
“Mas sobrang kumportable ako. Nag-enjoy akong gawin itong pelikulang ito. Saka, mapapanood na siya ng mga pamangkin ko, ng mga bata. Kasi, usually ‘di ba, ‘yung mga movies namin, hindi siya napapanood ng kids, eh, so this time, makakasama ko sila sa mall.”
Si Anne naman, aniya, sobrang refreshing daw for her to do something like this na may pagka-comedy naman. The moment nga raw na mabasa niya ang script, gandang-ganda raw siya at napakagaling daw ng pagkakasulat ni Chris.
“He’s really a genius, ang galing niya,” papuri pa ni Anne sa scriptwriter/director.
Sa The Gifted, Anne plays an obese woman at kinailangan pa niyang magsuot ng fat suit at lagyan ng prosthetics para magmukhang mataba. Si Cristine naman ay pinapangit dito dahil she plays the role of a nerd na makapal ang mga kilay at may glasses pa. Pero siyempre, in the end ay gaganda rin sila.
Ang nakaaaliw na parte sa presscon ay natanong si Anne kung gaano “ka-gifted” si Sam sa anumang interpretasyong gusto niyang isipin at natawa ang aktres.
“Sa movie? Gifted naman. Gifted siya, marunong umarte, mahusay. Mabait siya, mahilig magbigay ng kape. Sobrang gifted,” sagot ni Anne na nagtatawanan ang lahat.
Dahil nga may pagka-berde rin ang ibig sabihin ng “gifted”, natanong si Sam kung saan ba siya gifted physically.
“Eh siyempre, we don’t know kung ano ang ibig n’yong sabihin. . .” say ni Sam na ang tagal munang nag-pause. “Basta ano, half-American ako, so. . .” natatawa niyang sabi, at nagtawanan na rin lahat.
Sa sagot niyang ito ay lalo siyang kinulit ng entertainment press lalo na ang mga bading.
“Basta I’m happy with having my American side,” sambit ng aktor.
May mga nagtatanong pa kung ilan daw ang percentage ng Filipino and American side niya pero hindi na talaga nasagot pa ni Sam habang pati si Anne ay tawa nang tawa.
Anyway, showing na ang The Gifted ngayong September 3 mula sa Viva Films and Multi Vision Entertainment Philippines.