Julia at Claudine namamayagpag

Namamayagpag na naman ang mga Barretto dahil sila ang laman ng mga entertainment news, ang pagpapalit ni Julia Barretto ng apelyido at ang pagpapakita ni Claudine Barretto sa publiko ng mga sugat at peklat sa kanyang mga hita na epekto raw ng pagiging battered wife niya.

No comment pa ang kampo ni Raymart Santiago sa latest paandar ni Claudine dahil hindi raw binanggit ang kanyang pangalan. Malamang na ini­re­reserba ni Raymart ang reaksyon niya kapag sinabi ni Claudine na siya ang may kagagawan ng pagkakaroon ng mga sugat at peklat ng kanyang soon- to- be ex-wife (?).

Sugat at peklat ni Claudine naalala nang magpa-lipo si Cristine

Si Cristine Reyes ang naalaala ko nang ma-sight ko ang pictures ng battered legs ni Claudine Barretto.

Natatandaan ko na nag-post din noon si Cristine sa social media ng picture ng kanyang bagong liposuction na mga hita na puro pasa.

Nakakatakot ang itsura ng legs ni Cristine pero inalis kaagad sa social media ang litrato dahil sa violent reaction ng fans.

Huli na nang tanggalin sa social media ang picture dahil mabilis na kumalat ito.

Love scene nina Derek at Cristine inaabangan

Magkakaroon ng final presscon para sa Trophy Wife ng Viva Films bago ito ipalabas sa mga sinehan sa July 30.

Maganda ang playdate ng Trophy Wife dahil payday ang July 30. Tiyak na may datung ang mga tao na matagal nang inaabangan ang showing ng Trophy Wife.

Type daw nila na makita ang mga love scene nina Derek Ramsay at Cristine. Nangyayari sa tunay na buhay ang kuwento ng Trophy Wife kaya sure ako na marami ang makaka-relate sa adult drama movie ng Viva Films.

May nag-attempt pala na awatin ang mga artista ng Torphy Wife na magsalita tungkol sa pagkawala ng direktor na si Elwood Perez sa project.

Nabigo ang nagtangka na umawat dahil nagsalita agad si Derek.

Walang dapat ika-offend si Elwood sa mga sinabi ni Derek dahil maayos ang paliwanag nito. Gentleman si Derek na pala­ging maingat sa pagbibitaw ng salita dahil ayaw niya na may mga tao na nagtatampo sa kanya.

Marami ang nanghinayang dahil nawala sa kamay ni Elwood ang Trophy Wife na perfect daw na comeback movie niya bilang direktor.

Si Andoy Ranay ang ipinalit kay Elwood. Gamay na gamay na ni Andoy ang mga adult drama movie dahil isa ito sa mga forte niya. Pinupuri ang direksyon ni Andoy sa Ang Dalawang Mrs. Real, ang primetime teleserye ng GMA 7.

Jose at Eugene sumasakay sa intriga

Sinasakyan nina Jose Manalo at Eugene Domingo ang mga tsismis na nade-develop ang feelings nila para sa isa’t isa para hindi masira ang ilusyon ng kanilang fans.

Sa husay umarte nina Jose at Eugene, pati ako eh malapit nang makumbinsi na sooner or later, magkakaroon sila ng love affair.

Parang wala naman sa image ni Eugene na papatol siya sa isang mhin na hiwalay sa asawa at may mga anak pero mahirap magsalita nang tapos dahil mahiwaga ang pag-ibig no!

Mataas ang ratings ng Celebrity Bluff dahil aliw na aliw ang televiewers sa JoGe, ang love team nina Jose at Eugene. Hoping nga ang televiewers ng Celebrity Bluff na magkakatuluyan sa tunay na buhay ang dalawa, tulad ng nangyari sa love team nina Melai Cantiveros at Jason Francisco.

Show comments