Dahil sa anak Richard hindi na naglalalabas ng bahay!

Dalawang pinag-uusapan na showbiz event ang magaganap sa linggong ito, ang altar date nina Mama Boots at Atty. King sa Sabado at ang binyag ng anak nina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez sa Linggo, June 15.

Hindi alam nina Sarah at Richard na Father’s Day ang June 15 nang planuhin nila ang binyag ni Baby Zion. Nagulat sila nang malaman na papatak ng June 15 ang Father’s Day kaya triple ang selebrasyon nila dahil isasabay sa binyag ang 1st birthday party ng bagets.

Isinilang ni Sarah si Zion sa pamama­gitan ng normal delivery. Nasa tabi niya si Richard nang magsilang siya sa Geneva, Switzerland. Dalawang araw lang na nakasama ni Richard si Zion dahil five days lamang ang kanyang paalam sa GMA 7.

Ang taping ng Love & Lies ang pinagkakaabalahan ni Richard nang manganak si Sarah.

Mula sa Geneva, dinala si Zion sa Los Ange­les, California at dito siya halinhinan na inalagaan ng nanay ni Sarah at ng pamilya ni Richard.

Malaki ang pasasalamat ni Richard sa ina ni Sarah at sa kanyang tatay na si Eddie Gutierrez dahil kabilang sila  sa mga nag-alaga kay Zion.
Very close si Zion sa kanyang lolo Eddie.

Sayaw nang sayaw ang bagets kapag kinakantahan siya ng Elvis Presley songs ng lolo niya.

Kasama rin si Zion sa Asian cruise ng mga Gutierrez para sa It Takes Gutz to be a Gutierrez.

Sa rami ng mga Filipino crew sa barko, hindi lumabas ang balita na kasama sa Asian cruise ang bagets dahil sa utos ng management na hindi puwedeng kunan ng litrato si Zion. 

Umiikot ngayon kay Sarah at sa kanilang anak ang buhay ni Richard na bihira nang lumabas ng bahay dahil mas gusto niya na kasama ang kanyang pamilya.

Twenty-five pairs ang mga ninong at ninang sa binyag ni Zion sa June 15. Mga tao na bahagi ng buhay nina Richard at Sarah ang mga pinili nila para maging godparents ng kanilang anak.

 Inimbitahan ni Richard si Anne Curtis para maging ninang ni Zion pero hindi raw umubra ang dalaga dahil sa isang previous commitment. Ex-girlfriend ni Richard si Anne pero nanatili sila na magkaibigan, kahit naghiwalay at hindi nagkatuluyan. May interview ang Startalk kina Sarah at Richard na mapapanood sa Sabado.

Ang kanilang love story at mga plano para kay Zion ang topic ng interbyu ni Papa Ricky Lo kina Sarah at Richard.

Honeymoon nina Boots at Atty. King, postponed

Mapagpanggap ang mga nagsasabi na hindi na dapat isinusulat ng mga reporter na nagpa-practice ng chastity sina Boots Anson Roa at Atty. King Rodrigo bago ang kanilang pag-iisang dibdib sa June 14.

Nagmamalinis ang mga mapagpanggap dahil sila ang nagbibigay ng malisya sa mga pahayag nina Atty. King at Mama Boots. Wala akong makita na foul o disrespect sa kanilang mga statement dahil ‘yon ang katotohanan.

Kung sino ang mga nang-iintriga, sila ang may problema dahil pinaiiral nila ang kakitiran ng kanilang utak.

Hindi ko na napuntahan ang wedding rehearsal nina Mama Boots at Atty. King sa Aristocrat Restaurant noong Martes dahil may kalayuan ang Roxas Boulevard, Manila.

Blessing in disguise ang hindi ko pagdalo sa wedding rehearsal dahil bumuhos ang malakas na ulan.

Nabalitaan ko na lang na successful ang wedding rehearsal dahil nakarating ang karamihan sa mga invited guest na invited din sa mismong wedding day. Bumaha raw ang masasarap na pagkain, courtesy of Aristocrat na hindi pumayag na hindi sila maging sponsor sa importanteng araw sa buhay nina Mama Boots at Atty. King.

Punong-abala sa pag-aasikaso sa mga bisita si Mama Boots at ang kanyang soon-to-be husband kaya halos hindi na sila nakakain.

Postponed muna ang honeymoon ng mag-dyowa dahil aasikasuhin nila ang mga kamag-anak na umuwi mula sa Amerika para dumalo sa kanilang kasal.

Plano nina Mama Boots at Atty. King na mag-honeymoon sa Seoul, South Korea sa first week ng July. Pinili ni Atty. King ang Seoul dahil hindi pa raw ito nararating ng kanyang lovely bride.
 

 

 

 

 

Show comments