Young actress dusa sa pagbabayad ng komisyon sa manager

Taranta ngayon ang isang young actress dahil hinahabol daw siya ng kanyang manager at sinisingil sa libu-libong komisyon.

May pinirmahan daw kasing kontrata noon ang young actress nung sumali ito sa isang bikini contest. Kontrata iyon na ang magma-manage sa kanya ay ang producer ng bikini contest.

Hindi naman pinalad na manalo ang young actress pero siya ang napansin sa contest na iyon. Kaya inilapit siya ng producer sa kaibigan nitong film producer para mabigyan ng break sa showbiz.

Nagkainteres naman ang producer at pinapirma ito ng kontrata at co-manager nga ang producer ng bikini contest.

Matagal ngang natengga ang young actress at halos mawalan na ito ng pag-asa na ituloy ang showbiz. Kaya ang producer ng bikini contest ay nangibang-bansa dahil wala naman siyang kinikita sa young actress.   

Ilang taon pa ay biglang nagkaroon ng pagbabago sa career ng young actress. Nagkaroon siya ng mga TV shows at sa isang TV network na siya nakakontrata.

Nalaman ng producer na biglang sumikat ang young actress dahil napapanood na niya ito sa mga local shows na ipinapalabas sa cable TV kung saan siya naka-base ngayon.

Agad na umuwi ang producer at hinanap ang young actress. Pinaalala rito ang mga komisyon na hindi pa nito naibibigay dahil co-manager siya nito.

Noong una ay nagprotesta ang young actress dahil hindi naman naghirap ang producer na ihanap siya ng trabaho at basta na lang umalis ito.

Pinayuhan ang young actress na bayaran na lang niya ang producer kesa naman sa mauwi pa sila sa demanda. Nakapirma nga naman ang producer as co-manager sa kanyang kontrata na sa susunod na taon pa mag-eexpire.

Kaya ngayon ay taranta sa kakaraket ang young actress para mabayaran niya ang mga komisyon ni producer.

Mabuti na rin para wala nang demandahan dahil mas gagastos siya sa pagkuha ng abogado at magiging abala pa ito sa kanyang trabaho.

Venus Raj kakandidato sa Bicol

Determinado ngang matapos ni Venus Raj ang kanyang pag-aaral at makuha ang Master’s Degree in Community Development sa U.P. Diliman.

Marami raw siyang gustong matulungan, lalo na sa kanilang probinsya sa Bato, Camarines Sur kung saan siya lumaki. Marami raw siyang gustong maitulong para ma-improve ang lugar at maasikaso ang edukasyon ng mga kabataan doon.

Inamin ni Venus na sobra siyang na-inspire sa mga taong tumulong sa kanya noon para makatapos siya ng pag-aaral. Scholar si Venus kaya natupad ang kanyang mga pangarap na makatapos ng kolehiyo.

“Kaya ako naman ang gustong tumulong. Sabi nga nila, pay it forward. “Yun ang goal ko ever since na nagkaroon ako ng pagkakataon na maging isang beauty queen at maging isang celebrity. Layunin natin ang tumulong sa mara­ming kabataan.”   

Sa tono ng pananalita ni Venus ay parang may balak din siyang pasukin ang politics. “Kung sa gano’ng paraan ay marami tayong matulungan, bakit naman hindi?

“Wala akong nakikitang masama basta maganda ang hangarin mo sa pagpasok sa pulitika.

“Sa totoo lang, curious din ako sa mundo na ‘yan. Siyempre kung papasukin ko ang politics, doon ako sa probinsya namin. Sisimulan ko sa mababang posisyon para mas abot ko at malaman ko ang mga pangangailangan nang nakakarami.”

Sa kasalukuyan ay busy si Venus sa kanyang travel-magazine-business show na Business Flight sa GMA News TV. Umeere na rin ang TV commercial na ginawa niya with Pambansang Kamao Manny Pacquiao for Pizza Hut.

Show comments