Atty. Ferdinand Topacio hindi type ang babaeng maiksi ang buhok

MANILA, Philippines - Kilalang abogado si Atty. Ferdinand Topacio ng ilang kontrobersiyal na personalidad; samantalang batikang hurado naman si Judge Dinnah Topacio. Parehong matatapang at hindi basta-basta natitinag. Maging sa pag-ibig, hindi sila sumusuko at natatakot.

Ngayong Sabado sa Wagas, bibigyang buhay nina Cogie Domingo at Yasmien Kurdi ang nakakakilig na kuwento ng pag-ibig nina Atty. Ferdinand at Judge Dinnah na nagsimula sa loob ng courtroom.

Hindi maituturing na love at first sight ang kanilang kuwento. Katunayan, walang attraction sa pagitan nila nang una silang ipakilala ng professor na ama ni Ferdie sa isa’t isa. Hindi raw tipo ni Ferdie ang mga babaeng maiksi ang buhok tulad ni Dinnah kahit na nagagandahan pa siya rito. Para naman kay Dinnah, cute si Ferdie pero may pagkamayabang daw ito.

Ngunit nagbago ang ihip ng hangin nang muling magkrus ang kanilang mga landas sa loob ng courtroom matapos ang ilang taon. Mahaba na ang buhok ni Dinnah na lalong nagpaganda sa dalaga. Tunay na nabighani si Ferdie sa dalaga pero hindi priority ni Dinnah ang paghahanap ng boyfriend o mapapangasawa.

Aminado si Ferdie na hindi naging madali na suyuin ang kapareha. Humingi pa nga si Ferdie ng palatandaan mula sa Maykapal kung dapat ba niyang ituloy ang panunuyo kay Dinnah. Sa kabutihang palad, dumating ang sign na ito noong New Year’s Day ng 1997. Ano kaya ang sign na hiningi ni Ferdie? Paano niya napasagot si Dinnah?

Alamin ang nakakakilig na kuwentong pag-ibig nina Atty. Ferdie at Judge Dinnah sa Wagas ngayong Sabado, Abril 12, sa GMA News TV.

Show comments