Fans nina Kim, Julia, at KC tameme sa pagpili kay Anne!

Si Anne Curtis ang gaganap na Dyesebel, hindi si Kim Chiu, Julia Montes, o KC Concepcion. Kahapon ang official announcement ng ABS-CBN tungkol sa aktres na napili nila na gumanap bilang Dyesebel.

Siyempre, hurt ang fans nina Kim, Julia, at KC na umasa na isa sa mga nasabing aktres ang gaganap na Dyesebel pero wala na silang magagawa dahil si Anne ang top choice, kahit nasangkot siya sa malaking eskandalo noong 2013. Pambata ang kuwento ng Dyesebel at ito ang klase ng project na kailangang-kailangan ni Anne. Makakatulong ang Dyesebel para ma-erase na ang mga negative news tungkol sa kanya.

Gerald excited maging love interest ni Anne

Sina Sam Milby at Gerald Anderson ang leading men ni Anne sa Dyesebel. Excited si Gerald dahil siya ang gaganap na Fredo, ang love interest ni Dyesebel.

Pinanood ni Anne ang lahat ng Dyesebel movies nina Vilma Santos at Alice Dixson. Pati ang Dyesebel na teleserye ni Ma­rian Rivera, pinanood ni Anne bilang paghahanda sa papel na gagampanan niya.

Available sa mga video shop ang Dyesebel na teleserye ni Marian sa GMA 7. Napapanood naman sa YouTube ang Dyesebel films nina Mama Vi at Alice.

Sen. Bong umaliwalas ang mukha sa kaka-Bible study

Excited ang entertainment press na makausap si Sen. Bong Revilla, Jr. na na-miss nang husto dahil hindi siya gumawa ng pelikula para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2013.

Looking forward ang entertainment press sa mga filmfest movie ni Bong dahil ito ang nagpapatawag ng pinakamaraming presscon. Blessing in disguise ang hindi pagsali ni Bong sa MMFF dahil nakapagpahinga siya. Nagugulat ang mga nakakakita kay Bong dahil relaxed na relaxed ang hitsura niya, hitsurang may mga pagsubok siya na pinagdaraanan. 

Totoo ang mga balita na regular na dumadalo si Bong sa mga Bible study. Lalong umaliwalas ang kanyang mukha mula nang pag-aralan niya ang mga salita ni God.

Reality show ng mga Gutierrez kakagatin sa int’l scene

May idea na ako sa international channel na maglalabas sa It Takes Gutz to be a Gutierrez, ang reality show ng Gutierrez family. ‘Yun nga lang, hindi ko puwedeng i-reveal ang name ng international channel dahil confidential pa ito.

Isang bagay ang sigurado, in good hands ang It Takes Gutz to be a Gutierrez at sigurado na magugustuhan ito sa international scene. Hindi magiging problema ang madalas na pagsasalita ng Tagalog ni Annabelle Rama dahil may English subtitle ang kanyang mga dialogue para maintindihan siya ng international audience.

Tonton tinabla ang ibang offer

Lagare kahapon si Tonton Gutierrez dahil dumalo siya sa story conference ng Sana Bukas Pa ang Kahapon at pagkatapos ng storycon ay nagkaroon ng presscon ang buong cast.

Excited si Tonton sa bagong project niya sa ABS-CBN dahil mahuhusay na artista ang kasama niya, sina Susan Roces, Anita Linda, Dina Bonnevie, Iza Calzado, Albert Martinez, Paulo Avelino, at Bea Alonzo.

Walang masyadong maikuwento si Tonton tungkol sa karakter niya sa Sana Bukas Pa ang Kahapon dahil may mga pagbabago pa na mangyayari sa kuwento ng bagong teleserye ng Kapamilya Network. May ibang offer na teleserye para kay Tonton pero pinili niya ang Sana Bukas Pa ang Kahapon.

Show comments