Willie panay ang paramdam sa Kapamilya, wala nang mapuntahan

Panay ang paramdam ni Willie Revillame na gusto niyang bumalik sa ABS-CBN. Tatlong buwan na nga naman siyang walang show at wala namang ibang network na kumukuha sa kanya. Pero kukunin pa ba siya ng ABS-CBN ngayong maganda naman ang rating ng kanilang noontime show, na sigurado pa silang wala silang sakit ng ulo?

Isa pa, kung babalik si Willie, tiyak na tangay pa rin niya ang mga tauhan niya. Eh ‘di mawawalan naman ng trabaho ang mga taong siyang nagsikap na mapunuan ang oras nang iwanan niya ang network, tangay ang mga dating tauhan?

Ang mahirap, hindi lang si Willie kundi pati ang ibang tauhan nila na lumayas sa kanila noon, na naniwalang magre-rate sila kahit na lumipat sila sa ibang network, ay kailangan nilang tanggapin pabalik. Ano bale?

Little Bossings... nabawasan na ang nanonood?

Nagpalabas na ng reports ang Star Cine­ma na noon daw tanghali ng Dec. 30 ay uma­bot na sa 200 milyong piso ang kinita ng ka­nilang pelikulang Girl, Boy, Bakla Tomboy.  Iyon naman daw pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na Pagpag: Siyam na Buhay ay umabot na sa P100 million noong araw ding iyon. Siyempre ang sinasabi nila ay ang kanilang nationwide gross. Hindi naman iyong sa Metro Manila lamang.

Halimbawa, ang pelikula ni Maricel Soriano (Girl, Boy…), palabas sa 180 sinehan sa buong bansa matapos na magkalipatan ng mga sinehan nang hindi na kumita ang ibang pelikula.

Ang film festival ay tumatakbo pa rin hanggang sa ngayon. Ang tanong, base sa totoong box-office records, masasabi kayang nalampa­san na ang kita ng first day top grosser ng Metro Manila Film Festival (MMFF)? Nangyayari naman talaga iyan, lalo na nga at medyo nagkaroon ng hindi magagandang reviews ang top grosser film. Natural lang na kung ganyan ang mga usapan, lumalamang talaga kung ano ang inaakala ng publiko na mas maganda. In the first place sa festival awards, naging second best ang pelikula ni Maricel, at third best lamang ang first day top grosser ng festival. Kung iisipin din ang marke­ting advantage ng Star Cinema, dahil isang major film producer iyan as against sa mga kalaban nila na kung filmfest lang naman gumagawa ng pelikula, talagang posible ang upset sa box office.

Hindi namin sinasabing tanggap namin ang sinasabi nila sa kanilang mga press releases ha? Sinasabi lamang namin ang mga posibilidad.

Pero diyan sa filmfest na iyan, ang talagang naka­tawag ng aming pansin ay ang pelikula ni Daniel. Hindi namin akalain na kumita iyon nang gano’n kalaki. Katunayan lamang iyon na ang batak ng binata ni Karla Estrada ay hindi lamang sa audien­ce ng free TV, ang fans niya ay nakahandang mag­ba­yad mapanood lamang siya sa pelikula. Ang gross ng kanyang pelikula ang makapagpapatunay na sigu­ro nga ay masasabi nang sapat sa kanya ang pre­sent breed ng young male stars. Wala isa man sa kanila ang nakagawa ng ganyan kalaking hit na pelikula. Iyon ngang noong una na mga nagtatawa pa sa kanya ay ni hindi makaba­ngon sa ratings ngayon eh.

Robin walang isang salita?

Natawa rin kami sa biglang kambiyo ng statement ni Robin Padilla. Bago nagsimula ang MM­FF, sabi niya ay hindi siya interesado sa awards kasi ang gusto niya ay kumita. Noong matapos ang Awards Night at bumagsak ang kanyang pelikula, ang sinasabi naman niya ay hindi bale nang wala siyang pera, nasa kanya naman ang karangalan. Ano ba talaga ang gusto mo, Robin?

Pero sabi nga ng aming source, maliban daw sa first four top grosser, iyong apat na iba pang pelikula ay maibibilang na sa kategoryang flop.

Show comments