Baguhang direktor tinangay ang nakolektang pera para sa indie film!

Wanted ang baguhan na director ng ilang mga taong nakunan niya ng pera dahil sa galing niyang mambola. Tatlong producers ang nag-invest sa si­simulan daw niyang indie film at big-named stars ang kanyang mga bida kuno.

Hindi nga alam ng tatlong produ na hiningian sila ng malalaking halaga. Nagkakilala lang sila nang sabay-sabay silang mag-file ng kaso sa biglang nag-disappear na baguhang director.

Ang balita pa nila ay nagtatago si Direk sa isang malayong probinsiya. Matagal na siyang nandoon at balitang nagtayo na ng sariling negosyo gamit ang perang kinuha sa kanila na umabot ng milyun-milyon.

Nawala na ang mga account nito sa Facebook, Twitter, at Instagram. As in wala nang kontak sa kanya pati ang ibang close niyang kaibigan na nahiraman niya ng malalaking halaga dahil nabola rin niya sa sisimulan niyang kiyemeng indie film.

Magaling kasing mag-convince si Direk at napaniwala sila sa mga chika nito. May-I-use pa niya ang ibang names ng malalaking artista kaya agad na nag-invest ang mga ito sa kanya.

Nagtaka na lang ang mga nakunan niya ng pera dahil kalahating taon na ay hindi pa ito nagre-report ng progress ng indie film niya. Lagi na lang nitong sinasabi na nasa post-production na sila.

Hanggang sa isang araw ay hindi na ma-reach ang lahat ng contact numbers niya at mawala na nga ang mga account niya sa social media.

Noong matunton ang address ng bahay niya, iba na ang nakatira roon dahil umuupa lang pala ito. May apat na buwan na raw itong wala roon at umuwi na sa probinsiya nila. Hindi alam ng may-ari ng bahay kung saan itong probinsiya pumunta.

Hindi nga lang mga investor na nabola ang nag­hahanap sa director kundi pati na ang mga artistang nahingian niya ng pera. Hindi sila makapaniwala na nagoyo sila ng taong itinuring nilang malapit na kaibigan. ‘Yun pala ay lolokohin din sila. Dis­appointed ang mga naging kaibigan dahil maganda ang pinagsamahan nila ni Direk. Pero nasira nang dahil lamang sa pera.

Kaya hindi kataka-takang hindi na makabalik sa showbiz si Direk dahil bukod sa kahihiyan ay naka-blotter na siya sa tatlong siyudad. Pati sa domestic at international airport ay may arrest order siya.

Charee nagpapasalamat na naging bad girl

Nagmarka ang bad girl role ni Charee Pineda bilang si Agatha Morales sa primetime series na Akin Pa Rin ang Bukas na nagwakas na noong Dec. 27. Kaya sobrang mami-miss ng Kapuso actress/politician ang role sa naging comeback project niya sa bakuran ng GMA 7.

Inamin ni Charee na marami ang nag-react sa kanyang pagganap bilang si Agatha. Lalo na raw ang fans nina Lovi Poe at Rocco Nacino na kanyang mga naging biktima sa teleserye.

Pero imbes na mairita ay natuwa pa ang aktres dahil naging effective siya sa kanyang role kaya marami ang nagre-react sa kanyang pagganap.

“Gusto kong pasalamatan si Direk Laurice Guillen kasi siya ang nag-motivate sa akin bilang si Agatha.

At kahit nga ginawan niya ng masama ang character ni Lovi as Lovelia, naging very close naman silang dalawa off-camera.

“Masaya parati ang kuwentuhan namin ni Lovi kapag hindi kami kinukunan ng eksena. Bago nga kunan ‘yung matinding confrontation scene namin ay nagtatawanan pa kami,” sabi pa niya.

Bilang konsehal naman ng Valenzuela City, nag-request ang ilang constituents na sana ay hindi na raw masyadong masama ang role niya sa next teleserye.

“Sinabi ko po naman sa mga taga-Valenzuela na intindihin na lang nila ako dahil trabaho lang naman iyon. Kilala naman nila ako sa totoong buhay. Hindi ako masamang tao. Kabaliktaran sa napapanood nila,” paliwanag ni Charee.

Hindi pa niya alam ang next project niya sa GMA 7 kaya haharapin niya muna ang trabaho bilang konsehal. Pumirma naman ng three-year exclusive contract si Charee sa GMA kaya sigurado na ang susunod niyang trabaho.

 

Show comments