Reel Time may pahabol sa 2013

MANILA, Philippines - Isang napakalaking taon ang 2013 para sa Reel Time. Kasabay ng patuloy na paghahain ng mga pelikula ng totoong buhay tuwing Linggo ng gabi, ito ang taon tinanggap din ng Reel Time ang kaliwa’t kanang mga pagkilala at parangal sa loob at labas ng bansa.

Iginawad ngayong taon sa Reel Time ang George Foster Peabody Award, ang pinakamataas na pagkilala sa buong mundo sa larangan ng telebisyon para sa dokumentaryong Salat.  Ito ang unang Peabody Award ng GMA News TV at ang ikatlong Peabody Award ng GMA Network at ng Pilipinas.

Itinanghal din ang Reel Time bilang Grand Prize winner sa Asia Pacific Child Rights Award at Outstanding Televised Feature Story on Youth sa Lasallian Scholarum Awards.  Nakapag-uwi rin ang Reel Time ngayong taon ng Silver World Medal for TV Documentary mula sa New York Festivals Award. Ang Reel Time din ang natatanging entry mula sa Pilipinas na itinanghal bilang Finalist sa prestihiyosong International Gold Panda Awards for Documentary.

Bukod sa mga parangal, kinilala rin ang Reel Time bilang Official Selection sa ilang international film festivals tulad ng Aljazeera International Documentary Film Festival sa Doha, Qatar at UNHCR Refugee Film Festival sa Tokyo, Japan. 

Kalakip ng bawat kuwento, ang mga karakter na tumatak at minahal ng mga manonood. Bukod sa paghahangad ng Reel Time na maipalabas ang mga kuwento ng ating mga kababayan, nagsilbi rin itong tulay para sa mga nais tumulong.

Sino nga ba ang hindi naantig sa kuwento ni Maribel sa Nibulaysir? Kumusta na nga ba si Dungkoy at ang kanyang lola? Nagbago na nga ba ang buhay nina Mary Rose ng Salat? Nabigyan na nga ba ng atensyong medikal si Aldrin ng Jomalig?

 Tunay na maraming dapat ipagpasalamat ngayong taon at tunay na marami rin tayong mga kuwentong nararapat at masarap balik-balikan.

Sa huling Linggo ng 2013, samahan ang Reel Time na sariwain ang mga kwentong nagpatawa’t nagpa-iyak, umantig at nagpakilig, mga kwentong tumatak at nagmulat sa marami.

Alamin ang mga kuwento sa likod ng bawat kuwento.  Ito ang 2013: Reel Time Yearend Special ngayong December 29, 9:00 pm sa GMA News TV.

 

Show comments