Papalapit na ang Metro Manila Film Festival 2013 pero wala pa tayong naririnig na ang ilang bahagi ng limpak-limpak na kikitain sa takilya ay iaambag din sa mga taga-Leyte. Bakit kaya?
Kung tutuusin ay puwede munang isakripisyo ang konting porsiyento na mapupunta sa gobyerno. Puwedeng maglaan ng bahagi na mapupunta para lang sa donasyon sa mga binagyo sa Kabisayaan. Kahit maliit na halaga ay malaking tulong na rin kesa wala dahil malayo pa ang tatakbuhin ng rehabilitasyon.
Hindi naman siguro iaasa ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority ang pangongolekta ng pera sa mga pelikulang kalahok na may pinakamalalaking box-office sales.
Kung mag-No. 1 ang My Little Bossings ay walang dudang makakapagbigay ang pelikula dahil kilalang generous ang dalawang malaking stars dito: Vic Sotto at Kris Aquino. Mukhang sinisiguro naman nila na sila nga ang mangunguna ngayong taon dahil ang aga nilang nag-umpisa ng promosyon at ang sipag nilang mag-ikot na sa TV shows.
Ang ilan pa sa mga inaasahang taÂtabo sa takilya ay ang mga may bankable star na malalaki rin ang bank account at therefore ay puwedeng mag-donate pa mula sa sariling bulsa -- Girl Boy Bakla Tomboy, Pagpag, at Kimmy Dora: Ang Kiyemeng Prequel.
Dahil walo lang naman ang filmfest entries, malamang na walang masyadong maÂngungulelat o sasadsad sa kita. Kaya sana ay makapag-ambag na lang ang lahat ng pelikulang kalahok sa MMFF 2013 para sa ating mga kababayan sa Eastern Visayas. Magkakaroon ng mas magandang kahulugan ang Pasko.
Oprah at Ellen tahimik na tumutulong?
Nakapagtataka ring hindi gaanong nagpaparamdam ng bonggang pagtulong sina Oprah Winfrey at Ellen DeGeneres. Pareho pa naman silang may koneksiyon na sa mga Pinoy dahil sa pagsuporta sa mga singer natin.
Si Oprah ay isa sa mga pinakamayamang babae sa buong mundo. Wala ang inaasahang kampanya niya sa kanyang malaking network, ang OWN (Oprah Winfrey Network). Siguro tumulong siya sa tahimik na paraan at hindi na kinutsaba pa ang inaanak niyang si Charice.
Si Ellen naman ay sikat din sa mga Pinoy dahil nabibigyan niya ng tsansa lagi ang mga bagong tuklas na singer natin sa kanyang The Ellen DeGeneres Show.
Wala man silang malawakang Haiyan/Yolanda fund drive sa kani-kanilang programa ay tiyak na ipinadaan nila sa ibang paraan ang panawagan para tulungan pa ang Kabisayaan. Katulad ng ginawa ni Ellen na nakapag-tweet para sa patuloy na suporta sa mga nasalanta.
Norwegian na kumupkop sa 72 ulilang Pinoy, bayani sa kanilang bansa
Natatandaan n’yo ba ‘yung foreigner na may orphanage sa Tacloban, Leyte? Isa siya sa may nakakaantig na istorya nung kasagsagan ng hagupit ng Signal No. 4. Naipakita kasi sa mga TV news program ang video niya na nasa bubong kasama ang mga batang ulila na kapit-kapit sila habang napakalakas ng ulan at halos liparin silang lahat.
Dahil pala roon ay kabi-kabila ang naging interview ni Erlend Johannessen, ang Norwegian na tumayong ama ng 72 ulila na kanyang kinukupkop sa Streetlight Orphanage. Umalis sila ng Leyte at pansamantalang tumuloy sa Cebu City pagkatapos ng delubyo. Ngunit ayon sa tsika ng isang kaibigan, napanood niya sa Norwegian news na umuwi rin pala muna sa Norway si Erlend nung isang linggo. Nagkaroon ng malaking benefit concert para sa kanya ang kanyang mga kababayan doon at lahat ng nalikom na pondo ay itutulong sa Leyte at sa kanyang orphanage na inilipat muna sa kasalukuyan sa sister organization sa Davao kasama ang mga Pinoy na bata at ilang staff.
Hindi lang iyon, na-interview si Erlend sa pinakasikat na talk show sa Norway at bayaning-bayani ang tingin sa kanya ng mga kababayan niya. Handa silang tumulong kung ano pa raw ang kailangan niya sa bahay-ampunan na kanyang itinatag.
Ramdam pa nila ang naiwang trauma kay Erlend kaya alam ng lahat na kailangan pa nito ng counselling at ganun din ang mga bata sa kanyang poder. Pero isa lang ang sigurado, lalo pang tumibay at hindi na bibitaw sa kanyang Streetlight Orphanage si Erlend anu’t ano man ang mangyari.
***
May ipare-rebyu?
E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com