Nagulat kami, na maging ang pinakabagong international endorser ng Bench na naririto sa Pilipinas noong kasagsagan ng bagyo, si Nichkhun, ay nagsimula ngayon ng isang fund raising drive sa abroad para sa mga biktima ng bagyong Haiyan.
Kung natatandaan ninyo, habang malakas na malakas ang ulan at binabayo rin ng malakas na hangin maging ang Metro Manila, at saka naman ginanap ang press conference noon ng Bench para kay Nichkhun.
Kaya nga sinasabing impressed siya sa ipinakitang welcome ng entertainment press noon dahil alam niya na malakas nga ang bagyo, pero naroroon pa rin sila.
Nauna rito, sa sariling campaign ng Bench, may mga ipina-auction na silang mga shirts at posters na may pirma ni Nichkhun, pero mabilis nga raw nabili ang mga iyon dahil sa rami ng fans dito ng lead vocalist ng 2PM. At saka sumikat siya rito dahil sa mga ginawa niyang mga Koreanovela, pero siya ay isang Thai actor.
Sana lang maturuan naman ng mga taga-Bench si Nichkhun kung kanino dapat ibigay ang proceeds ng kanyang sariling fund drive, dahil baka naman hindi sa mga biktima ng bagyo mapunta iyan. Baka naman mapalitan o mabawasan pa. Baka magamit pa sa kung saan at hindi man lang siya mabigyan ng kredito sa kanyang ginawa. Uso iyan sa Pilipinas ngayon, iyong nag-aangkinan ng mga relief goods at pinalalabas na sila ang nagbigay kahit na hindi naman galing talaga sa kanila.
Uso yata ngayon ang lipatan ng plastic.
Ang alam namin, iyong naging fund campaign ng Bench ay direkta nilang ibinigay na suporta sa Ormoc na lubha rin namang naapektuhan ng bagyo, at natural na tulungan nila dahil si Congresswoman Lucy Torres Gomez ay isa rin sa mga endorsers nila, at si Richard Gomez ang kauna-unahang endorser at hanggang ngayon ay kasama pa rin sa Bench.
Rating ng show ni Kylie malayo ang agwat sa Honesto
Ngayon muling nagkaisa ang mga survey firms sa kanilang pinalabas na ratings ng dalawang primetime shows na magkatapat ng oras. Pareho silang nagsasabi na talaga ngang ibinalibag ang initial teÂleÂcast ng serye ni Kylie Padilla ng talagang malakas na Honesto ng ABS-CBN.
Ayon sa pinalabas na survey ng AGB Nielsen, ang show ni Kylie ay nakakuha lamang ng 18.1%, samantalang ang Honesto ay bumandera na may 25.1%.
Ayon naman sa national survey na ginawa ng Kantar Media Services, ang show ni Kylie ay mayroon lamang 14.2%, samantalang ang Honesto ay umabot sa 27.9%.
Mukhang mangangamote nga ang show ni Kylie.
Bagong TV show nangangamote rin, mga host gusto nang sipain
Isa pang bagong TV show ang nangangamote na raw at gustong palitan ang format. Mukhang sisipain na ang lahat ng host ng nasabing show at isa na lang daw ang ititira.
Ang katuwiran ng network, masyadong malaki ang kanilang cost of production pero wala namang ratings, at wala ring pumapasok na commercials. Pero iyon daw isang host na talaga namang tatanggalin na, nagpipilit pa rin daw na makakapit at gumaÂgawa ng paraan para maisalba ang kanyang career. Wala na kasing mapupuntahan iyan eh.