Dahil malabo sa annulment, Sunshine payag na sa legal separation kay Cesar

Payag na raw si Sunshine Cruz na gawing legal ang paghihiwalay nilang dalawa ng kanyang asawang si Cesar Montano. Maliwanag kung gano’n na ang tinutumbok ng lahat ng kanilang mga pag-uusap at mga kasong isinampa sa hukuman ay legal separation. Tama naman iyon, kung gusto na nilang maghiwalay, gawin nilang legal iyon para wala silang maging problema pagdating ng araw. Kaya lang sa legal separation, sila ay mag-asawa pa rin. Meaning, hindi sila maaaring magpakasal sa iba.

Mahirap naman kasing mailusot ang annulment sa kaso nila dahil talaga namang nasa ayos ang lahat nang sila ay ikasal. Iyon kasing annulment ay hindi nangangahu­lugan ng pagpapawalang bisa ng kasal. Iyon ay isang deklarasyon na kahit na isinagawa ang isang ka­salan, iyon ay walang bisa. Kaya ang hahanapan mo ng ebi­den­siya ay kung ano ang masasabi mong mali kaya mo pinaniwalaang balewala ang inyong kasal.

Iyong paghihiwalay at pagpapawalang bisa sa kasal ay hindi annulment kundi divorce. Wala pang divorce sa Pilipinas at sa palagay namin ay hindi mailulusot iyon ng kongreso sa ating bansa, kahit na may mga panukala nang ganyan simula pa noong nakaraang Kongreso. Hindi na nila iyon magagawa kagaya ng Reproductive Health Bill dahil napakababa ng approval ratings ngayon ng Senado at kahit na ang Kamara dahil sa pork barrel scam.

Kung makakakuha sila ng legal separation, maski ang mga property nila ay mapaghahatian na ng tama. Itatakda ng korte kung ano ang magiging obligas­yon ni Cesar sa kanyang pamilya. Itatakda rin naman ng korte ang karapatan niya sa kanyang mga anak.

Palagay nga namin, kung ang dalawa ay makakakuha na nga ng legal separation, mas magiging maayos na ang kanilang buhay.

Mark at Ynna parehong hindi makapag-move on pero imposible ang reconciliation

Ayaw na muna ni Ynna Asistio na magkaroon ng boyfriend sa ngayon. Iyon din ang sinasabing dahilan kung bakit hindi totoong dumiskarte sa kanya si Derek Ramsay bago naging girlfriend si Cristine Reyes.

Sa parte naman ni Mark Herras, mukhang wala rin namang nililigawan iyon hanggang ngayon. Mukhang siya man ay hindi pa maka-get over pagkatapos ng breakup nilang dalawa ni Ynna. Isipin naman ninyo, limang taon din naman ang kanilang naging relasyon.

Pero nagtataka rin naman kami. Mukhang pareho pa silang hindi maka-get over sa isa’t isa, bakit nga ba sinasabing imposibleng magkasundo naman sila ulit?

Aktor na bf ng aktres kumalas sa relasyon nang makakita ng poging modelo na berde pala

Ano kaya ang sasabihin ng isang aktres kung malalaman niya na kaya nakipag-split sa kanya ang aktor na boyfriend niya ay dahil sa isang poging male model?

Mukhang dahil sa kasasabit daw ng aktor sa mga ba­ding ay naging bading na rin siya at nababaliw nga ngayon sa isang poging modelo.

Iyon namang model, mukhang mapagpatol din basta type rin niya ang bading. Marami rin naman kasi ang nagsasabing ang poging model ay bading din naman.

Itong mga taong ito talaga, hindi na natakot na baka magkaroon ng sink hole dahil sa kanila.

Show comments