Dati, flavor of the season ng influential gay kaya halos walang pahinga ang aktor sa sunud-sunod na TV shows. Nagtataka pati mga insider nang biglang naglaho sa eksena.
Alam ng mga kachikahan ng kanyang former gay lover ang dahilan. Layla Do sa kama ang aktor. Nakahiga lang at tinatamad sa romansa. Mistulang tuod siya na daig pa ang istatwang hindi kumikilos! Kaya iniligwak agad ng bading.
Buti na lang nahahabag pa ang baklesh at kahit bit player na lang, nakikita pa sa madalang na assignments.
Anne at Nora sasali sa anti-pork barrel rally sa Edsa
Magkakaroon ng part two ang anti-pork barrel rally na tatawaging EDSA Tayo on Sept. 11. Maraming mga artista ang magbibigay suporta sa bagong kilos protesta. Nauna na sina Nora Aunor, Freddie Aguilar, at Kuh Ledesma. Kabilang na rin sa mga susugod sa EDSA, sa anibersaryo ng Martial Law, sina Anne Curtis, Noel Cabangon, Jim Paredes, at marami pang kasapi ng Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit.
Naghahanda sila ng makabuluhang programa sa EDSA, na magtatampok din ng mga makabayang awitin. Siyempre dadalong muli si Ito Rapadas na singer/composer ng dating Neocolours, na isa sa nagsimula ng naunang rally sa Rizal Park sa Maynila.
Ruffa nakapag-Italy na sa magasin, makakatulong pa sa mga binagyo
Sa Florence, Italy pa nag-pictorial si Ruffa Gutierrez para sa cover ng Metro Magazine. Local ang publication pero foreign ang location. Pati mga pinasuot sa kanyang mga damit mga signature designer creation tulad ng Emporio Armani, Salvatore Ferragamo, at Bottega Venetta.
Isang karanasang hindi malimutan ng buong buhay ang Florence photo shoot para kay Ruffa. Cover siya ng Metro September issue at ang kikitain ng magazine ay itutulong sa biktima ng bagyo.
Lihis mauuna sa The Block
Sa Sept. 8 ang premiere showing ng Lihis ni Joel Lamangan sa The Block ng SM sa North EDSA, Quezon City.
Ang regular run ng Lihis, starring Lovi Poe, Jake Cuenca, Isabelle Daza, Gloria Diaz, Joem Bascon, at Jake Cuenca ay sa simula ng Sineng Pambansa All Masters series ng Film Development Council of the Philippines, Sept. 11-17, at SM Cinemas.
Maestro Cayabyab pinag-akma ang script at original songs sa Lorenzo
Ang lifetime achievement awardee ng Gawad Buhay para sa mga theater artist na si Nonon Padilla ang director ng bagong stage musical na Lorenzo, produced by Christopher de Leon, with Ryan Cayabyab as composer, Christian Valdez, and Paul Dumol as lyricist.
Ang forthcoming original musical ang masterpiece ni Maestro Cayabyab, ayon kay Padilla. Lahat ng mga sinulat na kanta ng composer/musical director, akmang-akma sa mga eksena ng Lorenzo.
Naidagdag sa istorya ng first Pinoy saint ang kasaysayan ng isang OFW (Overseas Filipino Worker), na pinagsanib sa script at mga original song.
Young actor dumaan sa matinding pagdodoktor ng music arranger, ipinilit ang sintunadong boses
Isang young actor ang nag-record ng kanyang debut album. Chika ng musical director mismo ng CD, very stubborn ang artista. Ang hirap sumunod sa mga rule at pinipilit ang kanya kahit sintunado.
Ang payo naman ng music arranger sa kanya, maaari namang gamitin ang own style sa mga version ng mga sikat na kanta. Pero ang kailangan palagi, nasa tamang tono.
Nahirapan tuloy ang production staff kung paano dodoktorin ang mga desafinadong parte ng recording. Kumuha pa sila ng mahusay na sound engineer para todong-todo ang mga pihit!
Tirso inaabangan sa challenging role sa reunion kay Nora
Sa katatapos na Huwag Ka Lang Mawawala, bukod kay Judy Ann Santos na mahusay ang pagkaganap, gusto naming palakpakan si Tirso Cruz III. Batikang aktor na talaga ang dating teen heartthrob na unang nakilala sa unforgettable movies with Nora Aunor.
Ang mga acting highlight ni Pip sa Huwag Ka Lang Mawawala, pang-award talaga. Sana isa ring mature and challenging role ang ginampanan niya sa reunion show with Guy, When I Fall In Love na malapit nang ipalabas.