GMA News TV ipasisilip ang hirap na pinagdaanan ni Lovi

MANILA, Philippines - Silipin ang malayo at madalas ay maputik na lokasyon ng pinakabagong original series ng GMA News TV, ang Titser, sa pamamagitan ng Behind the Scenes primer nito ngayong Linggo ng gabi sa GMA News TV Channel 11.

Sa isang panayam sa set ng Titser sa Boso Boso, Antipolo, Rizal, sinabi ng lead actress na si Lovi Poe na ito ang pinakamahirap na role na kanyang ginampanan.

“The truth is, this is the most difficult role I have ever portrayed. Kailangan kasing bigyang hustisya dahil para sa mga teacher ito pero ang hirap pala magturo,” sabi ni Lovi.

Inamin din niyang nahirapan siya na ipaliwanag ng simple ang math lessons sa mga batang kaeksena niya sa documentary TV series.

May ilan ding eksena na kinunan sa kabila ng malakas na buhos ng ulan at kung saan ay kinailangang maglakad ng malayo ni Lovi.

“May mga eksena kami na kailangan umakyat ng mga burol at tumawid ng ilog. At ang layo ng bathroom,” dagdag pa ni Lovi habang natatawa.

Titser ang unang TV project ng award-winning actress pagkatapos niyang pumirma ng three-year exclusive contract sa Kapuso Network. Gagampanan niya rito ang lead character na si Michelle – ang pinakamatalinong estudyante sa kanyang high school class na nangangarap maging isang guro pero walang pera para makapag-aral sa kolehiyo.

Makakasama niya sa Titser sina Agot Isidro, Irma Adlawan, at Mara Lopez. Tampok din dito ang mga Kapuso actor na sina Rocco Nacino, Mikael Daez, Carl Guevarra, at Gardo Versoza bilang mga non-traditional love interest ni Lovi.

Tampok sa Titser ang mga isyu sa edukasyon tulad ng corruption, kakulangan ng mga magagaling na guro, mataas na dropout rate, at ang nakalulungkot na katotohanan na 60% ng populasyon sa bansa ay nakaabot lang ng high school o mas mababa pa na level ng edukasyon.

Inspirasyon sa original series na ito ang I-Witness documentary ni Sandra Aguinaldo na bahagya ring mapapanood sa Behind the Scenes primer ng Titser ngayong Linggo, Aug. 4, 7:15 p.m. Magsisimula naman ang original series sa susunod na Linggo, Agosto 11, 7:15 p.m. sa Channel 11.

Show comments