May prinsipyo pala si Daniel Padilla bilang isang musician. Pinangatawanan niya ang sinasabi niyang rakista talaga siya kahit nauwi sa pag-aartista at doon na napansin. Hindi man sumikat ang binuo nilang banda na Parking 5 bago pa man siya naging TV star ay naging totoo naman si Daniel sa gusto niyang musika.
Wala pa yatang teen celebrity na ibinigay ang sariling kapritso ng producer o ng management. Ang nakaraang major debut concert ni Daniel na ipinalabas sa ABS-CBN noong Linggo ng gabi ang makakapagpatunay na binigyan siya ng laya sa kabuuan ng kanyang konsiyerto sa Big Dome. Mula sa set design hanggang sa guests, kabilang na ang sariling banda na kasama ng half-brother niyang si JC Padilla, ay makikita talagang pinagbigyan ng husto ang mga ideya ni Daniel.
Ang pinakamalaking batayan pa ay ang pinili niyang cover songs na halatang personal favorites niya lahat — Rivermaya, POT, IAxe, U2, Queen, The Killers, at The Beatles. Dito masasabi na matapang si Daniel na hindi nagpadikta para lamang makiuso at mapasaya ang young following niya. Kahit ano pa siguro ang kantahin niya ay titilian pa rin siya ng kanyang mga tagahanga pero kitang-kita na sinikap ng Kapamilya star na huwag mapahiya sa kanyang musical taste.
Malaki ang impluwensiya ng kanyang inang si Karla Estrada bilang singer pero lalo na ang kanyang stepfather na si Naldy Padilla ng bandang Orient Pearl dahil sa kahiligan niya nga sa pagba-banda. Kinanta rin ni Daniel ang Pagsubok na pinasikat ng Orient Pearl.
Yeng nakalimutang rakista nang ma-in love
Iba naman ang nangyari kay Yeng ConsÂtantino. Alam na alam na ng mga tao ang tipo niyang musika at isa rin siya sa iilang pop rock artists natin na nailalabas talaga ang sariling gusto at minahal dahil sa mga sariling komposisyon. Pero nang mag-guest sa The Buzz noong hapon ng Linggo at makatabi ang boyfriend na si Victor Asuncion ay nag-iba na siya ng tono.
Iba na talaga ang in love. Nag-duet lang naman sila ng dyowa niya ng Moments of Love.
Huwag naman sanang kantahin pa nila ulit iyon sa Smart Araneta Coliseum concert ni Yeng sa Aug. 17 kasama si Bamboo. Inaasahan na bubulaga rin si Victor bilang suporta sa GF niya pero mas mainam sana na nasa audience lang siya.
Pinoy punk band nakaka-30 years na
Ang bilis ng panahon. Nagdiriwang na ng 30th anniversary ang The Wuds! July 16, 1983 ang totoong petsa ng pagsisimula ng pinaka-respetadong punk band ng Pilipinas pero sa July 19 (Biyernes) ng 9 p.m. ang kanilang simpleng selebrasyon sa ‘70s Bistro sa Anonas St., Quezon City.
Ang mga album nila ay Arms Talk (1985), At Nakalimutan ang Diyos (1994), Oplan Kahon (1995), Gera (1996), at Nakaupo sa Puso (1997). May 14 compilation albums sila na kasama ang ilang magagaling na rock artists.
Pero ang pinakasikat daw nilang kanta, ayon kay Aji Adriano (drummer), ay ang Inosente Lang ang Nagtataka na galing sa 1986 compilation album na Fatal Response mula sa Twisted Red Cross label dati ni Tommy Tanchanco.
Sa kasalukuyan, kapag walang tugtog, ay nagpipinta at nagtuturo ng gitara si Bobby Balingit (vocalist, guitarist, songwriter); nagtuturo ng drums si Aji; at tattoo artist si Alfred Guevarra (vocalist, bassist, songwriter).
Ayon kay Aji, malakas na malakas na si Bobby pagkatapos nitong ma-confine sa ospital dahil sa huminang resistensiya at impeksiyon sa ihi (uso yata). Handa na silang tatlo ni Alfred para sa mga guest band nilang The Sleepyheads, Throw, Neighbors, The Borrachos, at siyempre sa loyal punk fans.
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com