MANILA, Philippines - Sobrang saya ang nararamdaman ni Jericho Rosales dahil sa napanalunang best actor award sa Gawad Urian. Respetadong award-giving body nga naman ang Urian kaya kamuntik pang mapaluha ang aktor. Kahit paano ay nagbunga ang matagal din niyang pag-aartista ng isang katibayan at Gawad Urian pa ang nagbigay.
Hindi akalain ni Echo na isang indie film pa ang nagbibigay sa kanya ng karangalan sa pagkakaganap sa pelikulang Alagwa. Kung tutuusin, ilan na bang pelikula ang nagawa niya, na talagang ginastusan ng magarbong publicity, sa indie lang pala ito mangyayari.
Vilma malaki ang malasakit sa maliit na manggagawa
Noong araw pa man ay malaki na ang malasakit ni Batangas Governor Vilma Santos sa mga kasamahang extra sa pelikula. Nag-produce pa siya sa sariling movie outfit na VS Films noon at asikasong mabuti ang mga maliliit na tauhan sa kanyang production. Walang umuuwing luhaan tuwing matatapos ang shooting. Sinisiguro ni Vi kung nabayaran na ba ang mga crew at mga kasamahan sa production. Sa ideyang ito rin marahil nag-agree si Gov. Vi kung bakit tumakbong mayora hanggang maging gobernadora sa Batangas.
Kung walang extra, paano naman mabubuo ang isang pelikula? Hindi nga naman puwedeng sila-sila na lang na mga bida ang mapapanood sa pelikula.
Sa darating na Cinemalaya Independent Film Festival, angkop ang pagkakasali ng indie movie niyang pinamagatang Ekstra. Ipakikita sa pelikula kung gaano ba kaimportante ang mga ito sa buhay ng mga lead actor at actress.
Samantala, balik-trabaho uli si Gov. Vi sa Batangas pagkaraang mag-unwind sa US kasama ng pamilya.
Nora namigay ng datung sa mga ekstra
Ibang klaseng aktres din naman itong Superstar Nora Aunor. Mahal na mahal din niya mga kasamahang gumagawa sa pelikula. Lalo na ang mga maliliit lamang ang sinusuweldo sa kanilang trabaho.
Noong mag-last day shooting kasi siya sa Kuwento ni Mabuti, ginastos para sa lahat ang talent fee niyang nakuha. Ibinili ng mga pagkain at binigyan pa ng datung ang mga kasamahan. Katuwiran ni Guy, ’yung mga maliliit na tauhan ng pelikula, sila ang unang dumarating sa set at sila rin ang umuuwi ng huli para ayusin lahat pati na ang mga kalat sa set.