Nagtapos na ang kalokohan ng barkada sa Hangover III dahil sinasabing finale na ng journey nina Phil (Bradley Cooper), Stu (Ed Helmes), Doug (Justin Bartha), at Alan (Zach Galifianakis) kahit mahirap paniwalaan at medyo bitin pa rin ang ending ng ikatlong pelikula ng apat na bida.
Sa ginanap na premiere night nung Lunes sa Greenbelt 3, Makati City, halos nakatawa pa ring nagkukuwentuhan paglabas sa sinehan ang mga nakapanood. Naaliw na naman ang lahat sa pinagdaanan ng magkakaibigan lalo na kay Alan.
Sa kanya nakasentro ang Hangover III. Moment kung moment si Alan dahil namatayan ng ama at nagkaroon na ng love life kay Cassie (Melissa McCarthy, bagong sumisikat na komedyante). Kalerkie ang eksena ni Alan sa libing ng tatay niya at sa pawnshop nang makilala niya si Cassie.
Hindi lang iyon dahil si Alan din ang dahilan kung bakit umeksena uli ang kanyang espesyal na kaibigan sa katauhan ni Leslie Chow (Ken Jeong). Siya ang salot sa part one at part two ng Hangover at todo na ngayong part three.
Nagsimula ang lahat sa Las Vegas, Nevada at doon din sila bumalik para tapusin ang lahat. Medyo nakakabawas lang ng thrill dahil sa sequel ay nag-Bangkok, Thailand na sila. Inakala tuloy ng fans na mamamasyal pa sila sa ibang bansa para sa kanilang adventure. Pero hindi pala.
Ganunman, maganda pa rin ang kinalabasan ng ikatlong kuwento at direksiyon ni Todd Phillips. Nakakaawa pa rin ang dentistang si Stu dahil siya ang inaabot lagi ng malas. Kung sa una ay nabawasan siya ng ngipin, sa ikalawa ay naburdahan siya sa mukha, ngayon sa ikatlo ay hindi ikatutuwa ng sino mang macho ang nangyari kay doc. Magandang panoorin kung ano iyon.
Si Doug na laging nawawala sa Wolf Pack nila ay na-kidnap naman dito sa pangatlo at siyempre kailangang tubusin. Dahil kokonti lang ang eksena niya, mas mataas pa ang billing ni Mr. Chow/Ken sa kanya bilang supporting actor at villain na rin.
Si Alan na pinakasimpleng kwela sa kanila ay magkakaroon ng transformation na hindi nagawa ng kanyang mga magulang. Siya rin ang magbibigay ng kahulugan sa halaga ng pagkakaibigan. Hindi niya ipinagpalit ang kanyang Wolf Pack sa “special friend†niyang si Mr. Chow na sakit lang ng ulo.
At si Phil, siya pa rin ang eye candy sa pelikula. Ang papa ng tropa! Lahat ng anggulo niya ay poging-pogi. Nagpaka-wholesome nga lang ang aktor sa Hangover III dahil kahit pinaaalis na ni Mr. Chow (bisexual ang hitad) ang kanyang T-shirt habang pinapalakol ang dingding na pinagtaguan ng gold bars ni Marshall (John Goodman) ay hindi talaga ginawa ni Phil na maglilis man lang ng suot niya.
Mabuti na lang at hindi naman dahil lang kay Phil/Bradley kaya blockbuster ang Hangover. ‘Yung pinagsama-samang kakulitan ng barkada ang masaya.
May ipare-rebyu?
E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com