Gov. Vi. Senado na ang sunod na destinasyon!

Hindi talaga maiwasan ang mga usapang related sa pulitika dahil hanggang ngayon iyon pa rin ang pinag-uusapan ng lahat. Muli, nanalo si Governor Vilma Santos sa lalawigan ng Batangas. Ito na bale ang kanyang ikatlo at huling term bilang governor ng kanilang pro­binsiya. Sa pagkakataong ito hindi lang siya basta nanalo, tinambakan niya ng mahigit na 600 libong boto ang kanyang pinakamalapit na kalaban. May mga presinto pa na ang lahat ng boto ay para kay Ate Vi.

Ang tanong ngayon, saan pupunta si Ate Vi pagkatapos ng tatlong taon? Huling termino na niya ito.

Noon pa may tsismis na si Ate Vi raw ay posibleng tumakbong senador. Palagay na­min ay medyo malabo iyan dahil si Sen. Ralph Recto ay mayroon pang isang term bilang senador. Bale first term kasi niya ulit ang panunungkulan ngayon dahil natalo siya ng isang eleksiyon. Alangan namang sabay na ku­mandidatong senador ang mag-asawa. Kung sa­bagay uso na ’yan sa Senado. Nagkaroon ng mag-nanay, magkapatid, bakit nga ba hindi ang mag-asawa?

Noon pang nakaraang eleksiyon, bago itong natapos, inaalok na si Ate Vi na tumakbong vice president. Pero doon iyon sa kabilang partido. Ngayong lumipat sila sa LP, hindi namin alam kung aalukin nga siya na lumipat na ng opisina sa Coconut Palace.

Kung si Ate Vi ang tatanungin, sinasabi nga niyang wala pa siyang alam at ayaw niyang isipin ang mga bagay na ’yan. Gusto na muna niyang mag-concentrate sa panunungkulan bilang governor at saka na siya mag-iisip kung ano ang gagawing kasunod.

Pero may isang possibility na sa palagay namin mas ikatutuwa pa ng kanyang fans. Sinasabi rin naman ni Ate Vi na gusto na niyang magbalik sa showbusiness. Gusto rin niyang maging isang producer o director ng pelikula, bukod siyempre sa kanyang pagiging isang aktres.

Kung iiwan na nga niya ang pulitika, pa­la­gay namin ay magagawa na nga niya iyon. Mas gusto ng fans iyon. Kaya lang payag naman kaya ang mga Batangueño?

Aga nadadaya sa bilangan

Umaangal na rin si Aga Muhlach dahil parang malabo naman daw iyong sampung libong boto niya ang sinasabing invalid dahil sa hindi malamang dahilan. Una, siguro dapat nating malaman kung in­valid ang buong balota, maaaring may mali doon. Pero kung invalid ang boto lamang sa kanya, kailangan nga sigurong maipaliwanag kung bakit invalid iyon.

Ayaw sana naming mag-comment dahil sa sinasabi naman naming kaibigan nga namin si Aga pero ’yan ang sinasabi namin sa kanya noong una pa. Ang kampanya at eleksiyon ay kalahati lamang ng laban. Ang kalahati ay iyong bilangan na. Maaaring mas maganda ang kampanya at manalo ka sa eleksiyon pero matatalo ka sa bilang.

Anuman ang kalabasan niyan ay dagdag na ka­­alaman na para kay Aga, at siguro nga doon lamang sa pagkakaroon ng dagdag pang kaalaman at ka­rana­san ay panalo na siya. Pero naniniwala nga kaming kung mananalo siya, eventually, magiging mahusay siyang congressman.

Reyna ng Opera yumao na

Namatay na ang National Artist For Theater na si Daisy Avellana. Asawa siya ng sikat na direktor at National Artist For Film na si Lamberto Avellana.

Si Daisy Avellana ang kinikilalang Reyna ng Opera sa Pilipinas at sumulat din ng scripts ng mga klasikong pelikula tulad ng Badjao at Biyaya ng Lupa.

Show comments