Mga nag-abang sa G.I. Joe hindi nasiyahan sa Retaliation!

Ang laki ng dissatisfaction naming milyun-milyong nag-abang sa G.I. Joe: Retaliation. Hindi naman sa sobrang ganda ng naunang G.I. Joe: The Rise of the Cobra para madisyma sa sequel kundi mas malaki lang siguro ang anticipation na mas mapagbubutihan pa ang ikalawa -- pero hindi nga nangyari.

Kung tutuusin ay malaki ang problema na dapat resolbahin ng mga bidang Joes sa sequel pero nawalan ng saysay. Hindi na kailangang intindihin ang ugat at solusyon dahil nawindang na ang mga nanonood sa parang tagpi-tagping kuwento at hindi kagandahang acting sa mga karakter nina Roadblock (Dwayne Johnson), Flint (D.J. Cotrona), Ray Park (Snake Eyes), Storm Shadow (Byung-hun Lee), Lady Jayne (Adrianne Palicki), Firefly (Ray Stevenson), Cobra Commander (Luke Bracey), at Gen. Joe Colton (Bruce Willis).

Kahit na nga si Jonathan Pryce bilang US president ay parang nabawasan ang galing kumpara sa Rise of the Cobra. Lalo naman ang rapper na si RZA na bigla lang lumitaw sa Retaliation at siya pa pala ang bagong lider ng mga good ninja -- si Blind Master. Okay sana si Duke (Channing Tatum) pero maaga siyang tsinugi sa pelikula para may dahilan na manggigil sa mga kalaban si Roadblock dahil chummy-chummy sila ng ka-Joe niya.

Siyempre masisisi si Jon M. Chu bilang direktor ng pelikula. Wala naman sigurong kinalaman ang pagiging direktor niya ng dalawang Step Up movies at ng Justin Bieber: Never Say Never, ‘no? Pero kung may isang bagay na mapupuri sa kanya, iyon ay napapaganda niya ang bakbakan kapag ang mga Asyano -- ang mga balot na balot na ninja -- na ang action scene. At dahil naging overacting ang paggamit ng mga baril sa sequel, mas nakaaaliw pang panoorin ang mga espada/samurai na kaya palang humati sa bala, kahit napa-”weh” ang kahilera namin sa upuan.

Pero kahit pa may ugong na hindi wagi ang sequel ay marami pa ring nanood nung Biyernes ng gabi dahil malaking Hollywood film ito hango sa sikat na Hasbro toy na sundalong G.I. Joe. Hindi rin matatawaran ang mga pagpapasabog ng kung anu-ano na sa ilang eksena ay maiwi-wish n’yo na sana ay nasa IMAX kayo para feel na feel, lalo na ‘yung habulan blues na parang nagsi-zipline lang sa bundok sina Snake Eyes at Jinx (Elodie Young) laban sa mga bad ninja.

At bitin man ang face to face nina Storm Shadow at Zartan (Arnold Vosloo) na malaki ang atraso sa nagbabalik-loob na ninja ay pasado na rin habang nabubura-bura ang mukha ng pekeng presidente at lumilitaw na si Zartan.

Dahil nakatakas naman si Cobra Commander sa huli, pero nautas naman ni Roadblock ang kanang kamay niyang si Firefly kaya nailigtas ang mga lulusawing bansa sa nuclear missile tulad ng ginawa sa London, England, ay sigurado nang aabangan pa rin ang ikatlong G.I. Joe film sa sinehan.

* * *

May ipare-rebyu? E-mai: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments