Aiza Seguerra hindi sigurado sa interpretasyon sa naipanalong kanta sa Himig Handog

MANILA, Philippines - Hindi makapaniwala ang composer na si Joven Tan na ang awitin niyang Ano’ng Nangyari sa Ating Dalawa ang mag-uuwi ng first place award at isang milyong piso sa finals night ng prestihiyosong songwriting competition na Himig Handog P-Pop Love Songs.

“Kahit sino sa Top Twelve, deserving manalo,” sabi ni Joven ng Malabon City. “Noong tinawag ’yung pangalan ko, hindi ako makapaniwala. Hanggang sa nakita ko ’yung pamilya ko na nagtatalon at ’yung judges nakangiti sa akin.”

Pati si Aiza Seguerra, inamin na medyo hindi sigurado sa ginawang interpretasyon ng awitin. “Maganda ’yung kanta ni Joven. Pero hindi ko talaga in-expect na mananalo kami kasi hindi ako sigurado sa interpretation ko. Sobrang saya ko at nagustuhan po nila,” sabi ng singer at composer din.

Maririnig na ang Ano’ng Nangyari sa Ating Dalawa sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN na Apoy sa Dagat. Laking pasasalamat ni Joven sa oportunidad na ibinigay sa kanya ng ABS-CBN at Star Records.

Samantala, ayon kay Juris na umawit ng Hanggang Wakas ng second placer na si Soc Villanueva, pakiramdam niya ay siya ang may kasalanan kung hindi mananalo ang composition.

“Maganda ’yung kanta at magaling na composer si Soc kaya kinabahan talaga ako. Nang i-announce ang third place, wala pa ’yung pangalan niya. Buti na lang naka-second place.”

Sinabi naman ni Soc na hindi niya talaga ine-expect na mananalo siya. “Kuntento na ako na marinig nila ’yung awitin ko,” aniya.

Ang 20-year-old composer at interpreter ng kantang If You Ever Change Your Mind na si Marion Aunor naman ang tumanggap ng third place.

“Life-changing experience itong pagsali ko sa Himig Handog. Thankful na ako kahit walang award kasi sapat na ’yung mapasali ako sa Top Twelve. Bonus na po talaga na naka-third place pa,” aniya.

Masaya rin and honored ang pakiramdam nina Domingo Rosco, nagsulat ng fourth placer na Scared to Death at Bojam de Belen, nagsulat ng fifth placer na Kahit Na. Si KZ Tandingan ang interpreter ng Scared to Death habang si Toni Gonzaga naman ang sa Kahit Na.

Kabilang ang mga sumusunod sa Top 12 ng Himig Handog P-Pop Love Songs: Nasa Iyo Na ang Lahat ni Jungee Marcelo na inawit ni Daniel Padilla; This Song’s For You ni Jude Thaddeus Gitamondoc na inawit ni Erik Santos; Alaala ni Ma. Fe Mechenette Tianga, Melvin Huwervana, at Joel Jabot, Jr., inawit ni Yeng Constantino; One Day ni Agatha Obar Morallos sa kanta ni Angeline Quinto; Pwede Bang Ako Na Lang Ulit ni Jeffrey Cifra na inawit ni Bugoy Drilon; Sana’y Magbalik ni Arman Alferez na interpretasyon ni Jovit Baldivino; at Tamang Panahon ni Wynn Andrada na siya ring interpreter.

 

Show comments