Inuungot na Hermes bag ni Pops hindi ibinibigay ni Martin

Tawa ako nang tawa sa sinabi ni Martin Nievera sa presscon ng Foursome na high maintenance ex si Pops Fernandez dahil mahilig ito sa expensive bags.

Hanggang ngayon, hindi pa nabibili ni Martin ang bag na type ni Pops dahil kapresyo ito ng isang house and lot.

Hermes bag ang hula ko na ipinabibili ni Pops sa kanyang ex-husband dahil bago matapos ang presscon, nagbiro si Pops kay Martin na dalhin na siya sa shop ng Hermes

At least, pinatunayan ni Pops na hindi totoo ang mga tsismis na kuripot si Martin dahil naa­witan niya ito na ibili siya ng Louis Vuitton bag sa tuwing may concert sila sa ibang bansa.

Anak ni Bella Flores gustong kumita

Aspiring actress pala ang anak ni Bella Flores na si Ruby Rose pero may dahilan ang kagustuhan niya na maging artista.

May Alzheimer’s Disease ang inang veteran actress at nahaharap sa malaking gastos ang kanyang pa­milya.

Gusto ni Ruby Rose na makatulong sa pagpapagamot ni Mama Bella kaya sinabi niya sa Startalk na willing siya na ipagpatuloy ang propesyon ng kanyang ina.

Sino kaya sa mga producer ng mga teleserye ang magbibigay katuparan sa wish ng anak ni Mama Bella na maganda naman ang motibo sa kanyang plano na sundan ang yapak ng nanay niya?

Richard at Marian walang tensiyon sa direktor

Sa Feb. 22 ang last shooting day ng My Lady Boss, ang reunion movie nina Marian Rivera at Richard Gutierrez.

Kukunan ang mga eksena nina Marian at Ri­chard sa Subic, Zambales. Si Jade Castro ang direktor ng pelikula. Gustung-gusto ng lead stars ng My Lady Boss ang kanilang direktor dahil magaan ito na katrabaho.

Totoo ang sinasabi nina Marian at Richard. Nakatrabaho ko na si Jade nang magkaroon ako ng special participation sa My Kontrabida Girl. Walang tensiyon sa set kapag si Jade ang direktor dahil cool na cool siya.

Joey de Leon at mga anak nakikiramay sa pagpanaw ni Mommy Elvie

Very sad si Ariel Villasanta dahil sa pagpanaw ng kanyang ina pero nagagawa pa niya na magpatawa.

Solong anak ni Mommy Elvie si Ariel kaya ramdam na ramdam nito ang pag-iisa.

Nagpapasalamat si Ariel dahil sa pagdamay sa kanya ng first cousin na si Joey de Leon.

Magkapatid si Mommy Elvie at ang madir ni Papa Joey. Madalas na nagkikita ang dalawa sa bahay ng madir ni Papa Joey sa Quezon City.

Hindi lamang si Papa Joey ang tumutulong kay Ariel. Nakasuporta rin ang misis niya na si Aileen at ang mga anak na sina Keempee at Chenee.

Single na uli si Ariel dahil hiwalay na sila ng kanyang misis na si Cristina Decena na naging close rin kay Mommy Elvie. Inaasahan na pupunta si Cristina sa burol ni Mommy Elvie sa Christ the King Church, Greenmeadows sa Quezon City.

 

Show comments