Maricel pinayuhang sumailalim sa anger management program

Pinayuhan nga raw ang aktres na si Maricel Soriano na sumailalim sa isang anger management program para maiwasan ang mabilis na pag-init ng kanyang ulo sa mga bagay-bagay na nangyayari sa paligid niya.

Iyon ay matapos ang nangyari sa kanilang dalawa ni Gerald Anderson, sa first taping day pa lamang na dapat ay come back serye ni Marya. Dahil din sa pangyayaring iyon, ang management group mismo ni Marya ang nagsabi ngang alisin na muna siya sa seryeng iyon at pag-usapan na lang nila ulit ang kanyang pagbabalik.

Hindi naman masasabing ganoon nga kalala ang sitwasyon, pero siguro ang kailangan nga lang ni Maricel ay makaiwas sa sobrang stress, at makabawi muna sa mga depressions na kanyang naranasan in the past, pati na ang pagpanaw ng kanyang ina na nakaapekto rin nang malaki sa kanya.

Apoy sa Dagat mabigat na kalaban ng indie films!

Isang bagay lamang ang napapansin namin ngayon sa mga seryeng inilalabas sa prime time television. Talagang malaki ang casting nila. Isang magandang example na lang ang Apoy sa Dagat, na ilalabas ng ABS-CBN sa kanilang prime time simula sa February 4. Ang bida nila ay si Angelica Panganiban na gumaganap ng dual role. Sa kuwento, siya rin ang kontrabida ng sarili niya. Pero ang leading men niya ay ang itinuturing na dalawa sa pinakamalaking leading men ng Star Magic, sina Diether Ocampo at Piolo Pascual.

Iyong supporting cast nila ay matindi rin. Isipin ninyo, support lang nila sina Angel Aquino, Aiko Melendez, Sylvia Sanchez, Perla Bautista, Freddie Webb, at Patrick Garcia. Eh iyang mga iyan, on their own ay maaari na ring gumawa ng sarili nilang serye.

Magugulat ka nga eh, kasi ilang araw lang ang nakararaan, ang pinag-uusapan naman namin ay isang indie movie, at may nagsabi nga sa aming director, sa indie, basta may nakuha ka nang isang artistang may pangalan kahit na kaunti, iyon na iyon. Huwag ka nang umasa ng iba pang artista. Kung ang nakuha mo naman ay isang sikat na artista, umasa ka nang ang dapat na kunin mong support ay iyon na lamang mga extra.

Kasi kung hindi, sa casting pa lang ay papatayin ka na ng cost. Ang punto namin ngayon, papaano nga bang lalaban ang mga pelikula sa mga TV shows kung ganyang sa casting pa lang ay talung-talo na sila?

Noong napanood din namin ang trailer ng Apoy sa Dagat, nagulat kami dahil sa husay ng kanilang mga camera works. Walang duda na ang bawat shot ay napag-aralan nang husto ng mga director ng serye. Hindi magagawa iyan sa isang pelikula na gumagamit lamang ng iisang camera, at kailangang magmadali rin sa kanilang trabaho.

Noong araw, ang mga ganyang shots ay nagagawa rin ng mga director na pinapayagan ng kanilang mga producers na ang shooting ay tumagal nang kung ilang buwan. Pero ngayong puro madalian ang trabaho, malabo na iyan.

Iyang Apoy sa Dagat ay isa sa pinakamalaki na nga sigurong serye na ginawa para sa telebisyon. Iyang mga ganyang serye ang nagpapahirap sa mga kalaban, pati na sa pelikula.

 

Show comments