Apat na malalaking krimen, tinutukan at nalutas ng SOCO ngayong 2012

MANILA, Philippines - Babalikan ni Gus Abelgas ang apat na kuwentong krimeng tinutukan ng SOCO hanggang sa tuluyang mabigyang kalutasan ang mga ito sa espesyal na yearend episode ngayong Sabado (Dec 29) sa ABS-CBN.

Patunay na hindi lamang nagtatapos sa pag-uulat at pagsasadula ng krimen ang ginagawa ng SOCO sa pag-aksiyon nito sa magkahiwalay na kasong pagpatay kay Albert Ringor at Danilo Dizon. Ang dalawang pamilya ng biktima ay higit na sampung taong nagtiis at naghahanap ng  hustisya sa pagkawala ng kanilang haligi. Ngunit nang dumulog sila sa programa, agad na nakipagtulungan ang SOCO sa Criminal Investigation and Detection Group ng PNP para sa paghuli sa mga suspek.

Isa naman sa mga kasong mabilis na nasolusyunan ng SOCO ang pagdakip sa suspek ng pagpatay sa dalagang si Glaudia Schnelli dalawang araw lang matapos itong iere. Halos dalawang taon nang nagtatago ang suspek na pinaghihinalaang ginahasa muna ang biktima bago ito pinatay.

Natulungan din ng SOCO ang pamilya Marquez na sa halos anim na taon ay pinagkaitan ng hustisya sa panghahalay at pagpatay kay Leslie Marquez. Mula nang itampok ang kaso sa isang episode noong 2011, isa-isang nahuli ang tatlo sa apat na suspek sa krimen.

Saksihan ang kanilang kwento kasama si Gus ngayong Sabado ng hapon (Dec 29) sa SOCO pagkatapos ng Showbiz Inside Report sa ABS-CBN. 

 

Show comments