May plano raw mag-ikot ng buong Pilipinas si Sharon Cuneta at kung saan sila pupunta ay doon gaganapin ang kanyang show. Daily show ’yun eh pero taped naman. Siguro maaaring magpunta sila sa isang lugar at mag-tape roon ng for one week. ’Tapos ibang lugar naman.
Sa biglang tingin sa plano, gusto siguro nilang magkaroon ng mga pagbabago sa Sharon: Kasama Mo Kapatid. Gusto naman nilang maiba ang paligid at hindi puro studio na lamang nila ang nakikita. Medyo magastos nga pero magkakaroon ng ibang look ang show at saka malilibre pa ang studio nila para magamit naman ng ibang programa.
Pero hindi nila maikakaila na ang talagang dahilan kung bakit gagawin iyon ay para sa promo ng show. Marami pa ring hindi nakakaalam ng show ng Megastar. Napakahina kasi ng signal ng TV5. Kung wala ka ngang cable, wala ka ring mapapanood. Maski nga sa Metro Manila lamang, may mga lugar na kagaya sa amin na kung walang cable ay napakalabo nila.
Ang ibang diehard fans ng Megastar, nanonood na lang sa pamamagitan ng computer at Internet.
Kung kami ang tatanungin, mali pa rin ang kanilang solusyon sa talagang problema. Ang negosyo nila ay TV, bakit kailangan mong papuntahin sa ibang lugar ang isang show ganoong ang dapat pagsikapan ay mapanood iyon sa TV kung saan nakapuwesto ang viewer?
Mukhang mali ang mga napipili nilang solusyon sa kanilang mga problema. Ang isa pang problema, mukhang ang mga nakukuha nilang artista na naiiwan sa kanila ay surplus. At mali rin ang pagha-hire ng mga matatanda na para makialam pa sa kanilang mga palabas. Matanda na nga eh, natural matanda na rin ang idea nila.
Filmfest entries hindi lahat mapapanood dahil sa request ni P-Noy
Ilang araw na lang at 38th Metro Manila Film Festival (MMFF) na. Noong isang araw pa namin pinag-aaralan ang mga titulo at mga pelikulang kasali sa festival. Kinukuwenta na namin ang gastos kasi kung gusto mong mapanood ang mga pelikula ay magbabayad ka ng malaki, at ang festival committee naman kung magpadala man ng passes ay halos tapos na ang filmfest para hindi mo na rin magamit.
Sa ngayon, to be honest about it, iisang pelikula pa lamang ang nasa isip naming panoorin sa MMFF, ang One More Try. Ang iba naman kasing mga pelikula, more or less, ay parang alam mo na ang content hindi man panoorin.
At saka sabi ni P-Noy, huwag na munang manood ng sine ’di ba? Tumulong na lang sa Bangsamoro na sinalanta ng bagyo.