Malamang sa hindi, lahat ng nakapanood ng No Other Woman ay sinugod din ang sinehan nang dumating ang A Secret Affair. At nadagdagan pa ng mga hindi nakapanood nung una dahil na-curious silang makita ang huli.
At dahil magastos ang magbayad sa sinehan ng dalawang magkasunod na local films, ang A Secret Affair at ang Suddenly It’s Magic, bukod pa sa dumating ang Skyfall, ang nag-suffer sa takilya ay ang pelikula nina Erich Gonzales at Mario Maurer.
Sayang dahil wala yata sa kalahati ng kinita ng Anne Curtis-Andi Eigenmann-Derek Ramsay sexy drama ang napunta sa Suddenly It’s Magic.
At sayang din dahil hindi nakita ng mga hindi nakapanood ng Suddenly... ang magic na dala ni Mario. Higit pa nga kay Erich.
Oo nga at typical na popcorn movie lang kung tutuusin ang kanilang pelikula habang nag-effort magbigat-bigatan ang kuwento ng infidelity ng mga karakter nina Anne, Andi, at Derek. Pero bakit pagkatapos mapanood ang dalawang pelikula ay lumabas ako ng sinehan na mas naintindihan, naaliw, at nasulitan sa Suddenly...? Tipong suddenly, what a surprise!
Bakit si Mario mukha lang ang makita, at kahit may funny accent pa, ay pinagtilian sa loob ng sinehan? Bakit si Derek naghubad pa ng ilang beses sa love scenes niya at slang mag-Ingles ay parang wala lang? Nakapagbilang lang ako ng mga tattoo niya sa katawan.
Pati sa ginamit na theme song ng parehong revival lang ay nag-LSS (last song syndrome) ang mga kabataan sa version nina Angeline Quinto at Erik Santos ng Suddenly It’s Magic kesa sa kanta ni Nina na Don’t Say Goodbye. Nag-special appearance at may dialogue pa naman si Nina sa A Secret Affair.
Kung maagap ang Star Cinema at gagawa nga ng isa pang film o TV project kay Mario Maurer, tiyak nariyan pa ang magic. May usok pang natitira. ’Wag na sanang patagalin habang kinikilig-kilig pa ang mga Pinoy sa pagbisita niya sa Pilipinas.
Hindi rin kasi masasabing mapapatagal pa niya ang init o pananabik ng fans. Pumatok nga ang Crazy Little Thing Called Love at dun siya naging heartthrob pero hindi maiaalis na ginawa rin ni Mario ang gay-themed indie film na Love of Siam pero ilan lang ang nakaalam.
At ilang buwan bago ang shooting ng Suddenly It’s Magic ay ipinalabas pa sa mga piling sinehan ang horror-love story movie ni Mario na Bangkok Ghost Stories pero walang nabalita sa pelikula man o sa Thai superstar.
Ang kailangan talaga niya ay romantic comedy o love story na magaan lang ang drama at sasamahan ng Filipino actors na magagaling. Hindi na kailangang maglalim-laliman pa ang plot dahil nakita nang bebenta sa mga Pinoy ang feel-good movie na si Mario ang leading man. Kahit pa nga siguro maging sinong Pinay talent ang leading lady niya. Ang mga sangkap na magpapatamis na lang sa pelikula ang alagaan nila.