Kung ang GMA 7 gumasta ng P50M sa Negros lang Signal ng TV5: malabo pa rin sa ibang parte ng Metro Manila

Gumasta ang GMA 7 ng P50 million upang maayos ng husto ang kanilang signal sa Negros provinces. Sana nabalitaan din namin ito sa TV5 na pati na sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya kung minsan ay masakit pa rin sa mga mata ang da­ting ng mga palabas sa TV screen.

Okay lang na gumasta sila ng malaki sa mga papremyo ng kanilang mga reality talent search, game show, at iba pang palabas. Pero sana unahin na nila ang improvement ng kanilang mga signal sa buong bansa.

Kahit sabihin pang maraming televiewers ang gustong manood ng Kapatid shows, nababanas at naglilipat na lang sa ibang channel kapag very poor ang reception sa mga TV screen.

Tatlong matataas na building ang kasalukuyang itinatayo sa kanilang bagong network center in Mandaluyong. Anong saysay nito kung malabo pa rin ang kanilang signal?

Mga nag-aambisyon sa Miss Saigon kailangang sumailalim sa matinding pangangalaga sa katawan

Dapat naghanda ng husto ang mga gustong mag-audition sa London revival ng Miss Saigon, sa West End. Hindi maaaring basta na lang kayo sumugod sa venue on Nov. 17 and 18.

Kailangang mag-work out kayo at ’wag physical and vocal exercise kung talagang gusto ninyong maging isang international artist. Magtanong kayo sa mga dating nasa cast ng Miss Saigon, tulad ni Leo Valdez at bida ngayon sa The King and I.

Isang health/fitness buff si Leo na halos araw-araw mag-jogging upang humusay ang kanilang breathing sa pagkanta. Madaling-araw pa lang makikita na ninyo si Leo na nagtatatakbo sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Manila.

Pati na sina Lea Salonga, Monique Wilson, Isay Alvarez, Robert Seña, Jamie Rivera merong mga disiplinang sinusunod upang ma-maintain ang ganda ng tinig at ang stamina sa daily performances na tumatagal ng maraming oras sa isang show.

Kahit super ganda at pambihira ang range ng inyong boses, kung hindi naman inaalagaan ito, pati ang katawan, wala kayong pag-asang makasali sa Miss Saigon kahit magkaroon ito ng version sa Cainta, Rizal.

Laperal mansion sa Baguio na kilalang pugad ng mga multo pinag-iinteresan ng foreign filmmakers

Nakakita na ba kayo ng multo? Kapag namasyal uli sa Baguio, isama sa inyong itinerary ang Laperal mansion sa susunod na nasa Pines City kayo.

Marami na kasing actual ghost sightings sa ancestral home na ang iba ay documented pa ng mga kuha sa CCTV camera. Pati mga sikat na local and foreign experts in para­normal science, nagpatunay ng mga pambihirang apparition sa lumang bahay.

Nasa kasaysayan ng Laperal mansion ang maraming namatay doon, mula pa noong American-Japanese war na naging garrison ang bahay hanggang sa tinirhan muli ito ng pamilya Laperal at kanilang mga kasambahay.

Naging paksa na ang bahay ng mga documentary films. Ngayon, pati foreign filmmakers interested na gawin itong setting ng kanilang gagawing feature films.

Puwede pang pumunta roon at matulog kahit isang gabi para makatabi ninyo ang mga balisang kaluluwa na baka sakaling mapatahimik ninyo.

Alessandra umiwas lang kay Marian, ’di sa bold scenes

Si Glaiza de Castro ang pumalit sa role na tinanggihan ni Alessandra de Rossi. Hindi pumayag si Alex sa papel nang malaman niyang maraming bold scenes ang character na gagampanan niya.

‘‘Hindi naman ako bold star,’’ paglilinaw ng multi-awarded actress.

Ang pagkakilala natin sa kanya, isang tunay na artista. Kaya isang big challenge sa kanya kahit ano pang role ang ipagkatiwala sa kanya. Sa aming palagay, wala namang bold role na puwede sa TV. Tiyak na hindi papayag ang MTRCB sa mga eksenang sobra na ang ipapakitang kalaswaan.

Tiyak na ang tunay na dahilan kung bakit inayawan ni Alex ang teledrama ay ang makasama sa trabaho si Marian Rivera. Alam naman natin na hindi magkasundo ang dalawa.

Star Wars hawak na ng Walt Disney sa halagang $50B!

Nabili ng Walt Disney Corporation ang film and other rights para sa Star Wars film franchise ni George Lucas ng US$50 billion!

Kaya sa mga susunod na taon ay makakapanood na ng Star Wars movies sa mga Disney amusement parks all over the world. Magiging available na rin doon ang mga souvenir items from the blockbuster films. At makakasalubong na natin sa pamamasyal sa Disneyland sina Darth Vader at iba pang Star Wars character sa Disneyland, Disney World, at iba pang Disney parks.

 

Show comments