SBU titikim ng panalo sa St. Benilde
MANILA, Philippines — Sisikapin ng San Beda University na sakmalin ang unang panalo sa first round ng NCAA Season 100 women’s volleyball tournament kontra defending champion College of Saint Benilde ngayong araw na lalaruin sa Arellano University Gym.
Mag-uunahan naman sa pangalawang panalo ang Mapua University at Emilio Aguinaldo College.
Wala pang panalo ang Lady Red Spikers sa apat na salang habang may 3-1 karta ang Lady Blazers, nakatakda silang magsagupa sa alas-11 ng umaga.
Parehong may 1-2 cards ang Lady Cardinals at Lady Generals, magsisimula naman ang bakbakan nila sa ala-1 ng hapon.
Sasandalan ng Lady Red Spikers sa opensa sina Erin Feliz Navarro, Rianne Margaret Bedural, Katleya Jewel Molina at Janelle Bachar para masikwat ang unang panalo.
Pero tiyak na dadaan sa butas ng karayom ang SBU, dahil may matitinding armas ang Saint Benilde--ito’y sina Wielyn Estoque, Francis Mycah Go, Clydel Mae Catarig, Zamantha Nolasco at Jessa Dorog na inaasahang babalikwas matapos tuhugin sila ng Letran sa tatlong sets, 22-25, 23-25, 24-26 sa huling laro.
- Latest