Paskong kumupas
Ano man ang sabihin ng mga dalubhasa sa kabuhayan hinggil sa magandang takbo ng ekonomiya, mahirap itong paniwalaan ng masang Pilipino kung mataas ang presyo ng mga bilihin lalo na nitong nagdaang kapaskuhan at darating na Bagong Taon. Isa lang ang panukat ni Juan dela Cruz para alamin kung ang ekonomiya ay maganda ang takbo o hindi: ang halaga ng paninda.
Kung mataas ang presyo ng bigas at pagkaing pang-araw-araw, pangit ang ekonomiya pero kung ang sahod ng mga ordinaryong Pinoy ay sapat-sapat sa mga pangunahing pangangailangan, iyan ang tatawagin nilang magandang kabuhayan.
Madalas nating linawin na ang ekonomiya ng bawat bansa ay apektado ng mga problema. Ang pandaigdig tulad ng mga nagaganap na digmaan kung saan-saan. Ngunit iyan ay isang bagay na hindi maiintindihan ng mga taong kumakalam ang sikmura sa gutom. Kung may magagawa ang pamahalaan, ito ay limitado lang at hindi pangmatagalan.
Kung may sobrang pondo ang pamahalaan, puwede itong maglaan ng subsidiya sa ilang pangunahing paninda gaya ng gulay at bigas. Maaari ring magbigay ng ayuda sa mahihirap. Nakalulungkot man, ang ordinaryong mamamayan ay dapat ding kumilos sa pamamagitan ng pagtitipid. Magalit man kasi tayo sa pamahalaan, wala rin namang lubos na kontrol Ito sa sitwasyon na naaapektuhan ng geo-political situation sa buong mundo.
Ngunit ang nakaiinis ay ang patuloy na paghahari ng korapsiyon sa pamahalaan. Sa buong buhay ko, lahat na lang ng mga nakaraang administrasyon ay may bahid ng katiwalian. Bilyun-bilyong piso ang nalilimas sa kaban ng bayan ng mga magnanakaw sa pamahalaan.
Ang halaga sanang naibubulsa ng mga mandarambong na ito ay maaaring magamit ng pamahalaan upang palambutin man lang ang epekto ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin. Ngunit hindi nangyayari Ito. Gaano man katapat ang ihahalal nating Presidente, kung ang mas maraming opisyal ay walang katapatan o tunay na malasakit sa mamamayan, ang bansa ay wala pa ring magandang kahihinatnan.
- Latest