“UNSANG sin tax? Unsa na?†(Sin tax? Ano ‘yon?), sabay na sumagot animo’y isang choral group ang mga kalalakihang nagtipon-tipon sa isang sari-sari store sa Bgy. Andap, New Bataan, Compostela Valley noong nakaraang Martes ng umaga.
Ang Bgy. Andap ay ang pinakamatinding tinamaan ng bagyong Pablo noong ito’y humagupit sa Compostela Valley, Davao Oriental, Surigao del Sur at Agusan del Sur noong December 4, 2012. Mahigit 1,000 ang namatay at 500 pa ang hinahanap hanggang ngayon sa Bgy. Andap.
Wala raw kamuwang-muwang ang mga taga-Barangay Andap tungkol sa sin tax at kung paano ito naging dahilan ng pagtaas ng presyo ng sigarilyo at inumin.
Ang alam nila tumaas hanggang 300 percent ang halaga ng sigarilyo at inumin sa Barangay Andap dahil sa bagyong Pablo na talaga namang umabot hanggang tigatlong sticks sa halagang P5 ang Mark at Fortune cigarettes na dating 50 sentimos lang.
Ang Vino Kulafu at Tanduay Rhum ngayon ay P70 na kada bote na dati ay P30 hanggang P40 lang.
Ngunit walang pakialam ang mga taga-Bgy. Andap dahil nga kailangan daw nilang manigarilyo upang malabanan ang ginaw ng panahon na dulot ng inter-tropical zone at ng low pressure area na nagdadala ng walang-hintong ulan sa nasabing lugar.
Ayon kay Angel Tilangco, 48, na may anim na anak, kahit kapos siya sa pera, hindi pa rin daw siya titigil sa paninigarilyo niya.
Titigil lang daw ang mga taga-Bgy. Andap sa paninigarilyo at sa bisyo nilang pag-iinom kung mauubusan sila ng pera.
Hindi na nga alintana ng mga katulad ni Angel ang problema sa kakulangan ng pera o kung ano mang disaster ang tatama ulit sa kanila basta’t nakakabili pa rin sila ng sigarilyo at inumin sa iilang sari-sari stores na naiwang nakatayo sa Bgy. New Andap.