Akari na-lowbat sa Galeries Tower
MANILA, Philippines — Ginulat ng Galeries Tower ang Akari, 25-22, 26-24, 23-25, 15-25, 15-10, para sa kanilang unang panalo matapos ang apat na dikit na kamalasan sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Naglista si Erika Deloria ng team-high 20 points mula sa 18 attacks at dalawang service aces bukod sa 28 excellent receptions para banderahan ang Highrisers.
Nag-ambag sina Jean Asis at Alyssa Bertolano ng tig-14 markers, habang tumipa si top overall pick Lams Lamina ng 21 excellent sets at may 14 excellent digs si libero Dolly Verzosa.
“Motivation pa rin na nakuha namin two sets, na walang aayaw, na ilaban lang namin hanggang dulo,” ani Galeries Tower coach Aying Esteban.
Nadiskaril ang hangad ng Chargers (2-3) na mailista ang ikatlong sunod na ratsada.
Humataw si Eli Soyud ng 24 points at nagtala si Ivy Lacsina ng 13 points at 12 excellent digs, habang may 12 at 10 markers sina Fifi Sharma at Faith Nisperos, ayon sa pagkakasunod.
Bagama’t nakatabla ang Akari sa fourth set ay hindi nawalan ng loob ang Galeries Tower para kunin ang 7-3 abante sa fifth frame patungo sa kanilang unang panalo.
Susubukan ng Highrisers na makadalawang sunod sa pagharap sa ZUS Coffee Thunderbelles sa Nobyembre 10 sa Smart Araneta Coliseum.
Hangad naman ng Chargers na makabawi sa pagkatalo sa pagsagupa sa Choco Mucho Flying Titans sa Nobyembre 7 sa Philsports Arena sa Pasig City
- Latest






















