Mga karerista abangers sa Cojuangco Cup
MANILA, Philippines — Abangers ang mga karerista sa magaganap na 2026 Philracom Henry Cojuangco Cup 3-Year-Old Imported/Local Challenge Series II na ilalarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Nobyembre 8 sa Padre Garcia, Batangas.
Bagama’t wala pang nagsaad ng paglahok ay tiyak na inihahanda na ng mga trainer at hinete ang kanilang mga kabayong isasabak nasabing stakes race.
Nakalaan ang guaranteed prize na P1 milyon na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta kung sakaling may pito pataas ang sasali.
May distansyang 1,800 meter race, suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom) ang karera na bukas sa mga kabayong may edad tatlong taon at nakasali na sa mga regular races.
Magbubulsa ng P600,000 ang mananalong kabayo, mapupunta sa pangalawa ang P200,000, habang ang P100,000, P50,000, P30,000 at P20,000 ay ibibigay sa third hanggang sixth placers, ayon sa pagkakasunod.
Sakaling anim pababa lang ang tatakbo ay hanggang apat na kabayong tatawid sa finish line bibigyan ng garantisadong premyo.
Sisikwatin ng first place ang 600,000, kukubrahin ng pangalawa ang P225,000, ibubulsa ng pangatlo ang P125,000 at P50,000 sa ikaapat.
- Latest




















