Junior Altas diretso sa anim

MANILA, Philippines — Matapos ang kabiguan sa unang laro ay sumasakay ngayon ang Junior Altas sa isang six-game winning streak.
Sinuwag ng University of Perpetual Help System Dalta ang kulelat na Lyceum of the Philippines University, 117-75, sa NCAA Season 102 juniors basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Nagkadena si rookie Sizco Roquid ng 17 points, limang rebounds, tatlong assists at tatlong steals para sa 6-1 kartada ng Junior Altas.
Nagdagdag si Francis Rosales ng 16 points, habang may tig-13 points sina Brian Orca Jr, Lord Dulanas at Louie Rosales sa kanilang pagsolo sa liderato sa Group B.
Humakot si 6-foot-7 Fil-Australian Max Maurice ng siyam na puntos, tatlong rebounds at isang assist sa loob ng 12 minutong paglalaro sa tropa ni coach Joph Cleopas.
“Matagal pa ang tournament, marami pang games,” wika ni Cleopas sa kanyang tropa. “Lagi kong sinasabi sa kanila na ibigay ang 100 percent, lalo na sa depensa.”
Laglag ang Junior Pirates sa 0-7 marka.
Isang 14-5 atake ang ginawa ng Perpetual Help sa first period para kunin ang 30-16 bentahe patungo sa 67-27 pagbaon sa Lyceum sa halftime.
Mula rito ay hindi na hinayaan ng Junior Altas na makaporma ang Junior Pirates.
- Latest


















