NCRPO hihigpitan ang seguridad vs akyat-bahay
MANILA, Philippines — Hinimok ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga police district at unit sa Metro Manila na palakasin ang koordinasyon sa mga pribadong security personnel upang maiwasan ang “akyat-bahay,” burglary, at iba pang krimen laban sa ari-arian.
Inilabas ni NCRPO chief PBGen. Christopher Abrahano ang direktiba kasunod ng naiulat na “akyat-bahay” sa Forbes Park, Makati City noong Setyembre 24, kung saan kalaunan ay naaresto ang isang 25-anyos na suspek.
Inatasan ni Abrahano ang mga pulis na dagdagan ang police visibility, at pagpapatrolya sa mga subdivision, condominium, at iba pang residential area, lalo na sa mga bahay na maaaring maiwanan. Ipinag-utos din ang mahigpit na koordinasyon sa village at building administrators para matukoy ang mga lugar na madaling pasukin at mapahusay ang access control, CCTV, ilaw, gate at perimeter security.
Pinaalalahanan naman ang mga residente na tiyaking nakakandado ang mga pinto at bintana, naka-on ang mga alarm at security system at walang mahahalagang gamit na lantad bago umalis. Hinimok din silang iwasang mag-post sa social media ng detalyadong travel plans o impormasyon na magpapakitang walang tao sa kanilang bahay.
Ayon kay Abrahano, mahalaga ang pagtutulungan ng pulisya, security personnel, at mga residente upang agad matukoy ang kahina-hinalang aktibidad at mapigilan ang krimen, lalo na ngayong inaasahang maraming pamilya ang bibiyahe sa paparating na mahabang holiday period.
- Latest






















