Carlos wagi sa vault, ika-2 ginto kinana

MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling kumuha ng gold medal si top gymnast Carlos Edriel Yulo sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Kumolekta ang 2024 Paris Olympics double-gold medalist ng 14.599 points para pagharian ang men’s vault event ng men’s artistic gymnastics kahapon sa Nagoya General Gymnasium Rainbow Hall.
Inungusan ng 26-anyos na si Yulo sina Mahdi Olfati ng Iran (14.533) at Ka Ki Ng ng Hong Kong (14.116) na kumuha sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
“I’m just really happy and grateful kay Lord. Ang dami niyang miracles na ibinigay sa akin, sunud-sunod. Wala akong masabi. Sobrang saya ko sa mga performances ko,” ani Yulo.
Noong Huwebes ay tinapos ni Yulo ang paghihintay ng Pilipinas sa gintong medalya matapos pagharian ang men’s floor exercise.
Minalas naman ang batang Tondo na makatatlong golds nang pumang-apat sa men’s parallel bars sa kanyang 14.300 points.
Nagbigay din ng medalya ang kanyang 18-anyos na utol na si Karl Eldrew nang kunin ang tanso sa men’s horizontal bar sa inilistang 13.666 points.
Sa women’s 3x3 basketball finals, nakuntento sa silver medal ang Gilas Pilipinas Women nina Kacey Dela Rosa, Kennan Ka, Amyah Espanol at Maria Pasilang matapos ang 11-21 pagkatalo sa host Japan sa finals.
Olats din ang Gilas Men 3x3 team nina Nic Cabanero, Koji Buenaflor, Luis Pablo at David Dungo sa Iran, 10-21, sa kanilang agawan sa bronze.
Nakakuha na ang Team Philippines ng dalawang golds, dalawang silvers at limang bronzes para tumaas sa No. 13 spot sa medal tally sa hanay ng 45 bansa.
- Latest




















