Chiefs tinambakan ang Altas
MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na kinaldag ng Arellano University ang Perpetual Help matapos ilista ang 88-65 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Philsports Arena sa Pasig City kahapon.
Nagtala si King Vinoya ng 15 points, dalawang rebounds at isang assist upang tulungan ang Chiefs na ilista ang malinis na tatlong panalo at saluhan sa tuktok ng Group B ang tigasin din na Letran.
Nagpakawala ng matinding ratsada sa unang quarter ang Chiefs upang ibaon nang maaga ang Altas sa isang wire-to-wire na laban kaya naman ipinalasap nila sa Altas ang pangalawang talo sa apat na salang.
Malakas na sinimulan ng Arellano ang laro sa pamamagitan ng 18-9 run na ikinagulat ng Perpetual, tinapos ng Chiefs ang unang bahagi ng laban na may 31-15 bentahe.
Lalong ginanahan ang Chiefs sa second quarter, lalao pa nilang binaon ang Altas, nang itarak ang 18-point lead, 53-35 sa halftime at hindi na ito nahabol hanggang sa matapos ang laro.
“The preparation ‘yong pinakanagbunga so we prepared to win and ‘yon lang talaga ‘yon. We stayed consistent,” sabi ni Arellano coach Chico Manabat. “Tinulungan namin isa’t isa ‘yong mga bata at nag-improve sila.”
Tumikada rin si T-Mc Ongotan ng 13 markers, apat na rebounds, tatlong assists at dalawang steals.
Nirehistro ni Juan Tulabot ang 16 puntos at limang boards pero hindi sapat upang itaguyod sa panalo ang Altas.
- Latest





















