Paris, Francisco sumampa sa Finals
NAGOYA, Japan — Sumampa sina national skateboarders Mazel Paris at Jericho Francisco sa final round ng kani-kanilang skateboarding events sa 20th Asian Games kahapon dito sa Aichi Sky Expo.
Tumapos ang 12-anyos na si Paris sa fourth overall sa women’s park skateboarding preliminaries matapos magtala ng 73.93 points sa Heat 2.
“It was super fun. I landed my runs, and that was my goal,” sabi ni Paris. “For tomorrow, I’m gonna pray to land my runs and to have fun.”
Si Japanese Mizuho Hasegawa ang nanguna sa heat sa kanyang 89.15 points.
Sa men’s park skateboarding event, pang-apat din si Francisco sa nakolekta niyang 80.64 points.
“I had a really, really good time,” wika ni Francisco. “I have a couple of tricks up my sleeve that I’m gonna pull out in practice, and then just have fun and enjoy.”
Nakatakda ang dalawang finals ngayong araw.
Ang women’s park skateboarding event ay pakakawalan sa alas-9 ng umaga kasunod ang men’s event sa alas-11:30 ng tanghali.
Samantala, bigo si Elizabeth Amador na makapasok sa semis nang tumapos sa fourth place sa Heat 2 sa kanyang 59.99 points.
- Latest


















