Blazers minalas sa Heavy Bombers
MANILA, Philippines — Dinungisan ng Jose Rizal University ang malinis na karta ng College of Saint Benilde matapos itarak ang 73-69 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa FilOil Centre sa San Juan kahapon.
Tumikada si Lawrence Mangubat ng 20 points at siyam na rebounds upang tulungan ang Heavy Bombers na ilista ang 2-0 card at manguna sa team standings sa Group A.
Bumakas si Chris Hubilla ng 12 markers, pitong boards at dalawang assists habang 11 at 10 ang kinana nina Jalen Garcia at Sean Salvador, ayon sa pagkakasunod para sa JRU na ipinalasap sa Blazers ang unang talo sa tatlong laro.
“Laging ina-advice sa amin na mag stick together lang kami sa sistema go tinatakbo namin,” sabi ni Hubilla.
Mahigpit ang naging labanan sa unang quarter ito’y dahil nagtabla ang iiskor sa 16-all.
Pero naging agresibo ang opensa ng Heavy Bombers sa kalagitnaan ng second period nang hawakan nila ang six-point lead, 25-19 may 5:12 minuto pa ang natirang oras.
Dahil sa tikas nina Mangubat, Salvador at Garcia ay nagpatuloy ang mainit na laro ng Kalentong-based squad kaya naman nanatili silang nasa unahan, 38-33 sa halftime.
May bentaheng walong puntos ang JRU, 58-50 sa pagtapos ng third period.
Gumanda ang bakbakan sa payoff period, naibaba ng Blazers ang hinahabol sa isang puntos, 69-70 may 30 segundo na lang sa orasan.
Magkaroon pa ng tsansang manalo ang Taft-based team pero naging matatag ang JRU sa depensa para itakas ang mahirap na panalo.
Samantala, dumaan sa butas ng karayom ang Arellano University bago nila nasilo ang 91-87 panalo kontra Emilio Aguinaldo kagabi.
Nahirang na Best Player of the Game si T-MC Ongotan matapos ipinta ang 26 points, limang rebounds at tatlong assists para akbayan ang Chiefs sa tuktok ng team standings tangan ang 2-0 record.
Nalasap ng Generals ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan.
- Latest

















