Villegas goodbye na sa Asian Games

MANILA, Philippines — Maagang namaalam sa kontensiyon si Paris Olympics bronze medalist Aira Villegas matapos lumasap ng kabiguan sa kanyang unang pagsalang sa 2026 Asian Games boxing competitions sa Nishio Gymnasium sa Nagoya, Japan.
Nagtamo si Villegas ng unanimous decision loss sa kamay ni Indian Sakshi Chaudhary ng India sa opening round ng women’s 51kg division kahapon.
Hindi nakaporma si Villegas sa mas agresibong laro ni Chaudhary upang tuluyang masibak sa kontensiyon.
“Nahirapan ako sa gulang ng kalaban at ‘yung tangkad. Binigay ko ‘yung best ko para sa bayan,” ani Villegas.
Paborito pa naman si Villegas na magkampeon sa kanyang dibisyon dahil sa kanyang bronze finish sa Paris Olympics.
Si Villegas pa ang isa sa dalawang flag bearers ng Team Philippines sa opening ceremony ng Asian Games.
Umaasa si Villegas na makakabawi ito sa mga susunod nitong laban.
“Hindi siguro para sa akin ang Asian Games. ‘Di bale, marami pang laban so sana makaisa ulit,” dagdag ni Villegas.
Nauna nang nagtala ng panalo si Norlan Petecio — ang nakababatang kapatid ni Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio.
Nailista ni Norlan ang unanimous-decision victory laban kay Cambodian boxer Vy Sophors sa men’s 70-kilogram division.
- Latest
















