2 bahay inararo ng 10-wheeler: 7 sugatan

PAGBILAO, Quezon, Philippines — Pito katao ang nasugatan matapos mawalan ng kontrol ang isang 10-wheel wing van truck na kargado ng mga saging at araruin ang dalawang bahay at dalawang nakaparadang motorsiklo sa, Pagbilao, Quezon kahapon.
Kinilala ni PMajor Arjon M. Oxina, hepe ng Pagbilao Municipal Police Station, ang mga nasugatan na sina alyas Jessie, driver ng truck; Sunshine, 32, housewife; John, 18, estudyante; Ken, 25, helper; Kiana, menor-de-edad; Khalie, menor-de-edad; at isang Rey, helper.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, alas-5:00 ng umaga habang bumibiyahe ang trak mula Tagum City, Davao del Norte patungong Urdaneta City, Pangasinan na kargado ng mga saging nang biglang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver habang binabagtas ang isang pababang kurbada sa Sitio Upper Sapinit, Barangay Silangang Malicboy ng nasabing bayan.
Ayon sa ulat, sumobra umano sa kabig ang trak dahilan upang tumagilid sa kaliwang bahagi. Dito tinamaan at nahila pa ng trak ang mga metal barrier sa gilid ng kalsada bago tuluyang inararo ang dalawang bahay.
Hindi lamang mga istruktura ang napinsala sa insidente dahil nadamay rin ang dalawang nakaparadang motorsiklo na nasa paligid ng mga bahay.
Sa lakas ng pagkakabangga, ilang residente at mga sakay ng trak na nasa pito katao ang nagtamo ng mga pinsala na agad isinugod sa Quezon Medical Center.
- Latest























