Alas Women papalag sa Qatar
MANILA, Philippines — Tatlong panalo ang kailangan ng Alas Pilipinas para makuha ang ninth place sa classification round ng 20th Asian Games women’s indoor volleyball competition sa Aichi-Nagoya, Japan.
Sisimulan ito ng mga Pinay spikers sa pagsagupa sa Qatar ngayong alas-6 ng gabi sa Okazaki Chuo Sogo Park Gym sa Aichi.
Ang iba pang lalaro sa classification ay ang Hong Kong, Mongolia, Nepal at Kyrgyzstan.
Ito na lamang ang pinakamataas na puwestong makukuha ng Alas Women makaraang tumapos sa pang-walong posisyon sa huli nilang Asiad appearance noong 2018 sa Jakarta, Indonesia.
“We’re going for ninth,” wika ni Japanese coach Taka Minowa sa mga Pinay hitters. “We should win three games in a row. That’s what we should do in this Asian Games.”
Muling babandera sa tropa si veteran setter Jia De Guzman.
“We want as much as possible to win three games in a row pero isa-isahin muna namin,” sabi ng 30-anyos na si De Guzman.
Matapos ang 18-25, 22-25, 8-25 kabiguan sa defending champion at nine-time gold medalist China noong Miyerkules ay yumukod ang Alas Women sa Kazakhstan, 29-27, 24-26, 23-25, 19-25, noong Huwebes.
Sa nasabing pagtiklop sa mga Kazakhs ay bumira si Angel Canino ng game-high 24 points, habang may 20 markers si Alyssa Solomon.
“Kung ano man siguro ang nakuha namin and kung ano pa ‘yung mga lapses namin as a team, siguro ‘yun po ‘yung gusto namin i-improve, and hopefully po makuha po namin ‘yung result na gusto po namin,” ani Canino.
Pasok sa quarterfinals ang China, Kazakhstan, Thailand, Chinese Taipei, Vietnam, South Korea, Indonesia at Japan.
- Latest


















